KOMBINSIDO si Atty. Ferdinand Topacio na hindi na puwedeng tumakbo for re-election sa darating na halalan si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel Jr. Kaya naman nag-file siya sa Comelec, sa Clerk of the Commission, para pigilan o i-disqualify si Sen. Koko sa muling pagtakbo bilang senador.
Naniniwala naman si Sen. Koko na hindi siya lumabag sa konstitusyon dahil hindi siya nag-serve nang buo sa una niyang termino. Idineklara noon bilang 12th senator si Sen. Koko pagkatapos ng electoral protest laban kay Sen. Zubiri noong Agosto 2011. Tumagal nang higit isang taon ang unang termino ni Sen. Koko. Na-elect muli si Sen. Koko noong 2013.
Pahayag ni Atty Topacio, “Magkaibigan naman kami niyang si Koko noong 1995 pa, kaibigan ko na iyan. Magkasama kami sa Rotary. Tumakbo siyang mayor ng Cagayan de Oro, kasama ako noong nangampanya siya. Noong tumakbo siyang senador first time, natalo siya, kasama niya ako. Kapag tumatakbo iyan tuwing eleksiyon ay kasama ako at puwede ninyong ipagtanong iyan kung hindi totoo.”
Ano ang reaction ng magaling na abogado sa claim ni Sen. Koko na hindi naman daw siya humingi ng payo sa kanya? “Baka nag-selective memory siguro siya.
Marami naman kaming kinonsulta, sabi niya, “Tingnan n’yo nga kung puwede pa akong tumakbo o hindi.’
“Sabi ko, ‘Pareng Koko, alanganin ka, alanganin ang pagtakbo mo for another term. Kasi, para sa akin, second term mo na ito. Third term mo na kapag tatakbo ka ulit. Hindi ko naman sinabi na tama ako. Iyon nga lang ang paniniwala ko. Sabi ko, ‘Para maganda, wala silang masabi na traditional na politician ka, na gahaman ka sa kapangyarian. Kapag may kaunting duda, huwag ka na lang tumakbo.’”
“Hindi naman niya minasama kaya lang hindi niya kinuha iyung payo ko which is okay with me. Kaso ho, iyon ang paniniwala ko at noong nakita ko na tatakbo siyang muli at iyon ay kontra sa aking paniniwala, tingin ko my duty as a citizen, as a registered voter and as a member of Philippine Bar na kuwestiyonin siya. Hindi para mainis sa akin si Sen. Koko, kundi tingnan natin kung ano ang sasabihin ng batas,” sabi ni Atty. Topacio.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio