PARA matulungang maging handa ang kabataang Navoteño sa kanilang kinabukasan, nilagdaan ni Mayor John Rey Tiangco ang kasunduan para sa kanilang “work immersion” sa pamahalaang lungsod.
Pumirma rin sa “memorandum of agreement” si Dr. Meliton Zurbano, OIC schools division superintendent, at ang mga principal ng mga mag-aaral sa senior high school na sasailalim sa nasabing programa.
Kasama sa mga paaralang iyon ang Bangkulasi Senior High School, Filemon T. Lizan Senior High School, Gov. Andres Pascual College, Kaunlaran High School, San Roque National High School at Tangos National High School.
Sa programang ito, 462 kabataang Navoteño ang magtatrabaho sa city hall hanggang makompleto nila ang 80 oras ng kanilang internship.
Hahatiin sila sa tatlong batches at itatalaga sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod simula 16 Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019.
Ang Work Immersion Program ay requirement ng Department of Education para sa senior high students bago sila maka-graduate.
Bilang bahagi ng K-12 basic education reform program, inaasahan na magiging daan ito para maihanda ang mga estudyante sa pagpasok sa trabaho.
Ani Tiangco, magandang oportunidad ito para maranasan ng mga kabataang Navoteño ang serbisyo publiko at maintindihan nila ang mga gawain sa pamahalaang lungsod.
“Hangad nating maibigay ang anomang makabubuti para sa ating mga mag-aaral. Kung ang immersion na ito ang makatutulong para maihanda sila sa kanilang kinabukasan, bukas ang ating pamahalaang lungsod para turuan sila,” dagdag niya. (JUN DAVID)