MAKATITIYAK ang mga Filipino na mananatiling sapat ang supply ng bigas sa susunod na mga araw bilang resulta ng ipatutupad na polisiya ng gobyerno hinggil sa pang-aangkat ng bigas, ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez kahapon.
“Malinaw ang polisiya ng ating pamahalaan lalo ang bilin ni Presidente [Rodrigo] Duterte talaga, punuin ninyo ng stock ‘yan,” pahayag ni Lopez, nang itanong kung dapat mangamba ang publiko hinggil sa umuunting supply ng bigas sa bansa.
“Hindi na bale tayo ay sumobra, huwag lang kumulang kaya mag-import nang mag-import,” dagdag niya.
Kamakailan, dumanas ang bansa ng krisis sa bigas dahil sa pagbaba ng supply nito sa ‘dangerous levels,’ kaya napilitan ang gobyerno na magpatupad ng mga hakbang upang matiyak na magiging sapat ang supply sa mga Filipino.
Bukod sa pag-angkat, sinabi ni Lopez, tiniyak din ng gobyerno na mabibigyan ang local rice producers at mga magsasaka ng mga insentibo sa pagtulong na mapataas ang supply ng bigas.
“‘Yung local supply din, mag-mill tayo nang mag-mill habang ngayon ay harvest season,” aniya.
“At ang NFA (National Food Authority) nga, nagbigay pa sila ng incentive para makabili sila sa local farmers, so in other words hindi rin lugi ang farmers,” dagdag niya.
Ayon kay Lopez, itinaas ng NFA ang buying price ng palay mula sa local farmers, mula P17 patungo sa P20.70.
“Mainam ‘yun sa farmers at the same time makapag-iimbak ang NFA ng local rice rin, at ‘yun ang imi-mill nila,” aniya.
Ang Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ay nagpalabas kamakailan ng ‘suggested retail price’ para sa bigas.