HINDI napigil ang pagdagsa ng mga tagahanga sa burol ng music icon na si Rico J Puno sa Sanctuario de San Antonio sa Mc.Kinley Road, Forbes Park, Makati. Gayunman, sa tulong ng mga pulis at security ng simbahan ay napanatili ang kaayusan lalo na sa loob ng burulan.
Dumagsa rin ang maraming celebrities na nagbigay pugay kay Rico. Lahat sila ay nagpahayag ng kalungkutan dahil ang pagpanaw ni Rico ay itinuturing ngang isang malaking kawalan sa industriya ng musika sa ating bansa. Sinasabi nga nila na nawalan din ng pagkakataon ang maraming mga baguhang singers na makapag-concert din, dahil sa totoo lang maraming baguhan ang nagka-concert dahil pumapayag si Rico na suportahan sila at iyon ang katiyakan na may manonood sa kanila.
Ang kasikatan ni Rico ay hindi lamang sa Pilipinas. Maging ang New York Times, isa sa pinakamalaganap na diyaryo sa US ay naglabas din ng istorya sa pagkamatay ni Rico. Kinilala rin nila ang kanyang ginawang pagpapasikat ng mga American song na hinaluan ng mga salitang Filipino.
Lahat halos ay nagsasabi, wala pa silang nakikitang sino man na maaaring pumalit kay Rico. Hindi lamang dahil sa rami ng nagawa niyang hit songs kundi ganoon din sa mga idea niya sa mga kanta, pagpapatawa, at maging bilang isang actor.
Ang mga social media platform ay napuno rin ng mga video ng mga awitin ni Rico, at maging ng isang eksena sa mga TV show na kanyang nagawa, gayundin ang layout ng kanyang mga pelikula. Sinasabi nga nila na ang mga iyon ay collectors’ items na ngayon.
Hindi lamang showbiz ang nagluluksa. Ganoon din naman ang pagluluksa ng local na pamahalaan ng Makati na pinaglingkuran ni Rico bilang konsehal hanggang sa siya nga ay mamatay. In fact nakapag-file na nga siya ng COC ulit bilang konsehal para sa eleksiyon sa susunod na taon. Walang sinasabi kung may kaanak siyang ipapalit, o kakalimutan na lang nila ang politika.
Sinasabing ang kanyang pagiging isang public servant ang siya namang dahilan kung bakit ang kanyang kabaong ay binalot ng bandera ng Pilipinas.
HATAWAN
ni Ed de Leon