SA November 11 na gaganapin sa New Frontier Theater ang ikapitong finals night ng ASOP, o A Song of Praise, isang kompetisyon ng mga kumpositor at mang-aawit ng gospel music. Iyan ay naglalaban-laban sa isang TV show, iyong ASOP na napapanood naman sa UNTV 37, at pinangungunahan ng kanilang mga host na sina Richard Reynoso at Toni Rose Gayda.
Ang layunin talaga ng ASOP ay mas gawing popular ang gospel music. Wala silang pinipili, kahit na anong sekta ang iyong relihiyon maaari kang sumali sa ASOP, at maaari mo ring magustuhan ang kanilang musika.
Mapapanood iyon ng live sa UNTV 37, maririnig din sa radyo La Verdad, bukod pa nga sa live streaming sa kanilang mga social media pages. Kung gusto rin naman ninyo, maaaring mapanood din iyon ng live, nang libre. Humingi lamang kayo ng tickets sa UNTV.
Pagkatapos ng finals, ang lahat ng 12 kanta ay isasalin din sa CD, na ipinamimigay din nila ng libre sa lahat ng manghihingi ng kopya niyon. Iyan ay dahil sa paniniwala nila na ano man ang iniaalay sa Diyos ay hindi dapat gagamitin sa negosyo. Kaya ang lahat ng may kinalaman sa kanilang mga gospel music ay libre.
HATAWAN
ni Ed de Leon