BAGAMA’T Linggo, dinagsa ng mga aplikante ang unang araw ng pasahan ng aplikasyon para sa higit 400 trabahong iniaalok sa mga Filipino ng Kuwait Airways, ang flag carrier ng bansang Kuwait.
Nasa 100 aplikante ang nagtungo nitong Linggo sa Yaazeemir International Manpower Agency sa Ermita, Maynila, tanggapan na maaaring mag-aplay para sa Kuwait Airways.
Ayon sa mga aplikante, hangad nilang makapagtrabaho sa Kuwait para makaipon at makatulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Napag-alaman, nangangailangan ng 459 manggagawang Filipino ang Kuwait Airways dahil sa pagbubukas kamakailan ng Kuwait Airways Terminal 4.
Kabilang sa mga posisyong iniaalok ng Kuwait Airways ang traffic officer, assistant traffic officer, assistant load control, assistant cargo officer, cargo operator, cargo coordinator, at baggage sorter.
Maaaring sumahod nang hanggang KD325 o higit P56,000 kada buwan ang mga matatanggap, at libre ang tiket sa pag-uwi sa Filipinas kapag natapos ang dalawang-taon kontrata.
May posibilidad din umanong ma-renew ang kontrata kapag naging maganda ang performance sa trabaho.
Tatagal hanggang 17 Nobyembre 2018 ang panahon ng aplikasyon.
Para sa mga interesado, maaaring magsumite ng aplikasyon sa Yaazeemir International Manpower Agency sa Room 405, 4th floor ng AP Building 1563, F. Agoncillo corner Pedro Gil Street sa Ermita, Manila.