HINDI inakala ng isang 18-anyos dalaga na ang hangarin niyang makasagap ng signal para sa kanyang cellphone ang magiging dahilan ng pagkalugso ng kanyang puri sa Sto. Cristo, Angat, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat kay S/Supt. Chito Bersaluna, provincial director ng Bulacan PPO, nangyari ang insidente nang lumabas ng bahay ang 18-anyos biktima dakong 10:00 pm para magpunta sa lugar na mabilis makasasagap ng signal para sa kanyang cellphone.
Ngunit imbes signal kapahamakan mula sa suspek na kinilalang si Alex Santiago alyas Jude, 22, helper at residente sa nabanggit na barangay, ang ‘napala’ ng biktima.
Nabatid, nasa labas ng bahay ang biktima dahil sa paghahanap ng signal, nang mula sa dilim ay biglang bumungad ang suspek, kinaladkad ang biktima sa inuupahang apartment at doon inilugso ang puri.
Makaraan gahasain, ikinandado ni Santiago ang pinto ng apartment para hindi makalabas ang biktima ngunit nakatakas nang malingat ang suspek.
Sa kanilang bahay ay agad isinalaysay ng biktima sa ina ang nangyari sa kanya na agad humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Agad nakipag-ugnayan ang barangay officials sa Angat police at mabilis na inaresto ang suspek na ngayon ay nakapiit sa municipal jail.
(MICKA BAUSTISTA)