Thursday , December 19 2024
Rico J Puno
Rico J Puno

Rico J. Puno, isa nang institusyon sa industriya (Pumanaw sa edad 65)

N ANG madama ang ligaya sa gabi’t araw, nalimot mong ang lahat ay mayroong hangganan. Nguni’t nang iyong maramdaman ang kalungkutan, ay doon mo naalala ang Maykapal. Ang tao’y marupok kay daling lumimot sa Diyos na ang lahat siya ang nagdulot.”

Iyan ay titik ng isa sa mga hit song ni Rico J Puno. Isa iyan sa mga awiting Kristiyano na noon ay hindi pa naman talaga nailalagay sa mga plaka at nagiging hit.

“Kahit na pangit ka pa, baby, iniibig kita,” sabi naman niya sa isa pa niyang kanta. Noong una tinaasan iyan ng kilay ng mga kritiko na nagsasabing hindi sinasabing pangit ang isang babae sa mga awiting Filipino, pero ginawa iyon ni Rico. Ikinatuwa naman iyon ng mga babaeng hindi kagandahan, dahil may kanta na para sa kanila, at may nanligaw na rin sa kanila.

Inirebolusyon ni Rico J ang musikang Filipino. Siya kasi ang nagsimula niyong mga adaptation na nilalagyan ng Tagalog lyrics na nakasingit sa orihinal. Noon lang din nangyari iyong bago pa man magbukas ang mga tindahan sa kalye Raon sa Maynila, may mga naghihintay na para maunang makabili ng kanyang mga plaka. Kasi kung darating ka ng hapon na, malamang wala ka nang mabili.

Hindi naapektuhan si Rico J ng piracy. Noon, usong-uso na sa mga stereo sa mga jeep iyong 8 tracks, at pirated ang mga kanta ni Rico J, pero binibili pa rin ng mga tao ang mga plaka. Kasi gusto pa rin nilang pakinggan iyon kahit na nakababa na sila sa jeep.

Ang akala ng iba, ang mga kantang iyon ay novelty lamang, na lilipas din naman. Pero ilang dekada na nga ang lumipas kinakanta pa rin ng mga tao iyong, ”alaala noong tayo’y mag-sweetheart pa. Namamasyal pa sa Luneta, kahit walang pera.”

Mukhang kulang ang sinasabing si Rico ay isang music icon. Siguro nga mas tamang sabihin na si Rico ay isa nang institusyon sa industriya ng musika sa ating bansa. Alisin ninyo si Rico sa history, at isang buong panahon ng musika ang mawawala sa atin.

Hindi lamang singer si Rico. Nahalo rin naman siya sa politika, at ang madalas nga niyang biro,”tagilid ang music industry, sa graft and corruption muna tayo.” At siya ay nagpakita ng mahusay na paglilingkod sa lunsod ng Makati. Ilang beses siyang konsehal. Minsan tumakbo pang vice mayor pero hindi naman sinuwerte. Ngayon konsehal pa rin siya ng Makati, at nakatakda pang tumakbo sanang muli sa local elections sa 2019. Pero wala na, sumuko na si Rico sa sakit sa puso.

PUMANAW
SA EDAD 65

ISINUGOD siya sa St.Lukes’ Hospital sa BGC noong linggo, at noon ngang Martes ng madaling araw ay pumanaw siya sa edad na 65.

“Sa mundo ang buhay, ay mayroong hangganan, dahil tayo ay lupa lamang,” sabi niya sa isa niyang awit. Napaghandaan naman siguro iyan ni Rico. Sumailalim na siya sa by pass operations. Kamakailan nilagyan siya ng pacemaker dahil humina na ang kanyang puso. More or less, alam niya na malapit na ang hangganan talaga. Pero may plano pa sana siyang concert sa Solaire itong buwang ito, sayang hindi na iyon matutuloy.

Ang masasabi lang namin ay salamat sa apat na dekada ng paghahandog ng musika ni Rico J. Hindi iyon makalilimutan ng mga Filipino hanggang sa mga darating pang panahon.

Wala nang makasusunod pa sa mga nagawa ni Rico J sa musikang Filipino.

HATAWAN
ni Ed de Leon

About Ed de Leon

Check Also

Vilma Santos

Vilma pumalag ginagamit ng isang pekeng gamot online

HATAWANni Ed de Leon GUMAWA na po ng statement ang Star For All Seasons na …

Dominic Roque Sue Ramirez

Dominic kinompirma relasyon kay Sue, ibinandera sa isang party

NGAYONG idinisplay na rin ni Dominic Roque si Sue Ramirez sa isang Christmas Party sa ineendoso niyang fuel company, …

Bong Revilla Jr Tolome Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Bong kaya pa ring tumalon, mag-dive sa ere, makipagbakbakan

HARD TALKni Pilar Mateo HINDI pa rin talaga mawawala sa mga tanong kay Senator Ramon ‘Bong’ …

Vilma Santos Liza Araneta Marcos Tirso Cruz III Christopher de Leon

Unang Ginang Liza Marcos pangungunahan pag-angat naghihingalong industriya ng pelikula 

HATAWANni Ed de Leon NGAYON lang yata muli tinitingnan nang husto ng gobyerno ang entertainment …

Marco Gallo Heaven Peralejo

Heaven at Marco ‘hiwalay’ muna ngayong Pasko 

I-FLEXni Jun Nardo BAD break up ang nangyari kina Heaven Peralejo at aktor boyfriend nito. Naging mitsa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *