PATAY sa sunog ang isang sanggol, bata at binatilyo sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Quiapo, Maynila, at Puerto Princesa City.
Sa Puerto Princesa City ay namatay ang sanggol at isang bata sa sunog sa Brgy. Santa Lourdes sa lungsod na ito, noong Sabado.
Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Erwin Odesta.
Nagsaing umano ang 11-anyos anak ni Odesta gamit ang uling ngunit nakatulog kaya napabayaan.
Napansin ito ng 7-anyos kapatid at sinubukang buhusan ng tubig ang apoy ngunit mas lumaki pa.
Kasama rin nila sa bahay ang isang 24 buwan sanggol.
Wala sa bahay ang mga magulang ng mga biktima nang mangyari ang insidente.
Ayon sa BFP, hindi nakalabas ng bahay ang 11-anyos at ang sanggol.
Tatlong bahay na ang natupok ng apoy nang dumating ang mga bombero dahil hindi agad naitawag ang insidente.
Apat pamilya ang naapektohan ng sunog at aabot sa P40,000 ang kabuuang pinsalang idinulot nito.
Sinabing may tambak na krudo sa bahay kaya hinihinalang dahil doon kaya lumaki ang apoy.
Paalala nila sa mga magulang na huwag iiwan ang mga anak sa bahay na walang kasamang matanda.
Samantala, sa Carcer St., Quiapo, Maynila, namatay ang isang 13-anyos binatilyo nang makulong sa nasusunog nilang bahay, nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Alexander Leonel. Natagpuan ang sunog niyang katawan malapit sa pintuan.
Aabot sa 15 barong-barong ang naabo sa sunog na nagsimula bandang 12:47 ng tanghali.
Nabatid sa mga awtoridad, nagsimula umano ang sunog sa bahay ng isang Mary Moral at mabilis kumalat sa mga katabing bahay.
Umabot sa 45 pamilya ang naapektohan ng sunog at aabot sa P50,000 ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Inaalam ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng sunog.
HATAW News Team