TAMA ba ang sinasabi ni Nora Aunor na ”hindi ako ang binastos nila. Ang binastos nila ay ang mga Noranian at ang iba pang naniniwala sa akin,” matapos na muling ma-bypass ng presidente ang kanyang nomination bilang isang national artist?
Ipagpatawad ninyo, pero sa palagay namin ay hindi. Palagay po namin ay walang nabastos kahit na sino. Hindi natin maikakaila na nasabi iyon ni Nora dahil masama ang loob niya matapos na siya ay mabutata ulit sa ikalawang pagkakataon, pero hindi ibig sabihin niyon ay binastos siya.
Iyang mga National Artist ay inirerekomenda ng CCP at NCCA sa presidente ng Pilipinas na siyang humihirang sa pamamagitan ng isang “presidential proclamation.” Hindi dahil nominated ka ay tiyak na kasama ka na. Naroroon pa rin ang tinatawag na “presidential prerogative.” Siya ang gagawa at pipirma ng proclamation. Kung may mali, siya ang mababatikos ng publiko. Natural lamang para sa isang presidente na bago gumawa ng proclamation ay walang masasabi ang iba. Hindi baleng batikusin siya dahil sa pag-bypass. Mas masama kung batikusin siya sa paglalagay ng hindi karapat-dapat. Ganyan ang nangyari noon kay Presidente Gloria Macapagal Arroyo, na gustong ibigay ang karangalan sa mga taong inaakala niyang karapat-dapat naman, pero pinalagan ng mga tao.
Ano ang nangyari, hindi ba lumabas pang ang ginawa ni Arroyo ay “abuse of powers”?
Dapat ding maintindihan ng mga nominee na oras na isumite sa presidente ang inyong pangalan, napailalim na kayo sa kanyang presidential prerogative. Kung ayaw niya sa inyo wala kayong magagawa at hindi kayo dapat umangal. Ginagawa lang niyong tao ang sa tingin niya ay tama. Wala rin naman siyang binastos sino man sa inyo.
Pero hindi na kami magtataka sa ganyang reaksiyon ni Nora. Hindi ba matapos na i-bypass din siya ni PNoy bilang National Artist ay naging visible siya sa mga rally na humihiling na mag-resign na si PNoy? Hindi kami magtataka kung sasama rin siya sa ma rally ngayon kontra kay Duterte.
HATAWAN
ni Ed de Leon