RIYADH, Saudi Arabia – Inaresto at ikinulong ang 19 Filipina sa Riyadh dahil sa kanilang pagdalo sa Halloween party.
Ipinagbabawal sa Saudi Arabia ang mga pagtitipon sa publiko na may kaugnayan sa non-Islamic events at paghahalo ng mga babae at lalaki.
“So far, alam namin ay resulta po ito ng isang reklamo ng mga residente sa Al Thumama na parang tila may activity po roon na ginaganap na medyo past midnight na,” paliwanag ni Consul General Christopher Patrick Aro.
Inireklamo umano ng mga residente ang pagtitipon sa lugar na dinaluhan ng mga Filipina, dahil sa sobrang ingay.
Pinasok sila ng security forces at dinala sa presinto ang organizers ng event pati ang mga dumalo rito.
Marami mang naging pagbabago sa kasalukuyan sa Saudi Arabia ay may mga batas pa rin dapat sundin, kaya pinapaalalahanan ng embahada na huwag gumawa o dumalo sa pagtitipon na walang permit o pahintulot mula Saudi government.
“Al Thumama police ang nag-conduct po ng raid at mukhang ini-refer na po nila sa intelligence police doon po sa may Exit 5 base po ito sa mga nakausap na po namin. ‘Yung detalye po ng kaso medyo pinag-aaralan pa po,” ani Aro.
“Tututukan ng embahada ang kalagayan ng mga kababayan para rin masigurado kung ilan ang bilang ng mga Filipina na sa kasalukuyan daw ay nasa Al Nisah Jail,” dagdag ni Aro.
Paalala ni Aro, maging maingat sa mga selebrasyon at pagtitipon lalo sa papalapit na pagdiriwang ng Pasko.
“Lalo na po at nalalapit na po ang holiday season sa atin, ang pag-observe ng Pasko sa atin ay isa rin po ‘yan na kailangan medyo dapat bantayan dito sa Saudi ‘di po dapat sa publiko po natin ginagawa ‘yan,” aniya.
Naghihintay ng official statement ang Philippine Embassy mula sa ministry at kung ano ang mga posibleng ikakaso sa mga lumabag.