SA walong pinangalanang tatakbong senador ng Liberal Party sa ilalim ng tinatawag na ‘Oposisyon Koalisyon,’ tanging si Senador Mar Roxas lamang ang maaaring makalusot sa darating na May 13, 2019 midterm elections.
Ang pitong kandidato na makakasama ni Mar ay masasabing walang kapana-panalo, at pag-aaksaya lamang ng pera at panahon ang ginagawa nilang pagpasok sa halalan. Tulad nang sinasabi ng marami, ‘masikip’ ang 2019 midterm elections para sa mga tumatakbong senador, at ang Magic 12 ay halos nakalaan na sa mga reelectionists at mga nais magbalik-Senado.
Kumbaga sa karera ng kabayo, grupong bulok ang pitong kandidatong senador ng Oposisyon Koalisyon at tiyak na maiiwan sila sa starting gate kapag lumarga na ang senatorial race sa mismong campaign period na magsisimula sa Pebrero.
Narito ang pitong bulok na senatorial candidates ni dating Pangulong Noynoy Aquino ng Oposisyon Koalisyon: Atty. Chel Diokno, dating congressman Erin Tañada, Sen. Bam Aquino, Rep. Garry Alejano, former Solicitor General Florin Hilbay, Atty. Romulo Macalintal at Samira Gutoc-Tomawis.
Kung kikilatising mabuti, tanging si Mar ang kandidatong may binatbat sa grupong ito dahil bukod sa mahaba niyang karanasan bilang mambabatas, naging kalihim din siya ng DILG, DOTC at DTI.
Kompara naman kina Chel, Erin at Bam, wala silang tanging maipagmamalaki kundi ang kanilang mga apelyidong Diokno, Tañada at Aquino. Nakahihiya dahil hanggang ngayon ay gamit na gamit nila ang galing at kabayanihan ng namayapa nilang mga magulang.
Dapat ay gumawa sila ng sarili nilang pangalan at hindi mangunyapit na lang sa alaala ng kani-kanilang mga amang sina Jose Diokno, Lorenzo Tañada at Ninoy Aquino. Hoy Bam! pamangkin ka lang pero kung gamitin mo si Ninoy, wagas na wagas!
Sa nalalabing kandidato ng Oposisyon Koalisyon, sina Alejano, Hilbay, Gutoc-Tomawis at Macalintal ay siguradong sa ‘basurahan’ talaga ang kababagsakan pagdating ng halalan. Kahit na magsisisirko pa sila sa entablado walang papansin at boboto sa kanila.
Kaya nga, si Mar lang ang natitirang pambato ng Oposisyon Koalisyon. Sabihin pang anak siya ng haciendero, mayaman, ilustrado, edukado, magaling sa Ingles, coño at kung ano-ano pang mga pangungutya, si Mar ang makalulusot sa darating na halalan.
Hindi na kailangan pang magpakahirap si Mar sa panahon ng campaign period. In the bag na ‘ika nga si Mar dahil nakatatak na siya sa kamalayan ng bawat Filipino. Si Mar na kahit pinandirihan ay pinilit na maging malapit sa taong-bayan.
Oo, si Mar, na kahit hirap na hirap sa kanyang ginawang pagtatrapik, pagbubuhat ng sako-sakong bigas at pagsemplang sa motor, si Mar ay naririyan at kasama pa rin natin.
Sey mo Koring?
SIPAT
ni Mat Vicencio