MARAHIL inakala ng masasamang elemento na pilit pa rin nagkakalat sa Quezon City na magpapahinga ang Quezon City Police District (QCPD) sa kampanya laban sa kriminalidad nang maiuwi ng pulisya ang pinakamataas na parangal kamakailan – ang “2017 NCRPO Best Police District.”
Diyan nagkamali ang mga sindikato, dahil lalo pang pinaigting ni QCPD Director, Chief Supt. Joselito T. Esquivel, sampu ng kanyang opisyal at tauhan ang kanilang gera laban sa kriminalidad hindi lamang para sa karangalan ng command kung hindi para sa seguridad ng mamamayan ng lungsod maging ng mga nagagawi sa Kyusi.
Makaraang muling koronahan ang QCPD na pinaka-da-bes, lalo pang sinipag ang mga bumubuo ng pulisya. Muli ka ba naman parangalan ng best police district, naturalmente, mas lalong sisipagan ng QCPD ang pagtrabaho para ipakita na talagang nararapat sila sa parangal.
Heto nga, panay sa pagtatrabaho ang QCPD ngayon — kaliwa’t kanang operasyon ang ipinatutupad ng 12 police stations ng QCPD maging ang iba’t ibang operating unit na nasa Kampo Karingal, ang District Special Operations Unit (DSOU), District Drug Enforcement Unit (DDEU), Anti-Carnapping (Ancar), at District Intelligence Division (DID).
Simulan natin sa muling pagpapamalas ng DSOU na pinamumunuan ni Supt. Gil Torralba. Hayun, tiklop sa DSOU ang sindikato ng gunrunning na dumayo pa sa lungsod para magkalat. Iyon nga lang, hindi umubra ang sindikato sa tropa ng DSOU.
Nang makakuha ng impormasyon ang DSOU hinggil sa operasyon ng sindikato, agad na iniutos ni Torralba sa kanyang mga opisyal at tauhan na subaybayan ang sindikato.
Nang magpositbo ang surveillance, ikinasa ang entrapment operation laban sa sindikato nitong Oktubre 11, 2018 sa Brgy. Bago Bantay, QC. Labingdalawang pirasong shotgun ang inoder ng pulis na nagpanggap na buyer sa sindikato at napagkasunduang magkita-kita sa Cavite St., dakong 3:45 pm.
Nang maganap ang kaliwaan sa transaksiyon, napansin ng isa sa tatlong gunrunner na nagbigay ng hudyat sa mga kasamahan ang kanilang buyer na isa palang pulis kaya nang papalapit ang mga aarestong pulis, pinaputukan ng tatlo ang mga operatiba.
Siyempre, anong kasunod? Gumanti ang mga pulis para ipagtanggol ang sarili. Nagkaroon ng barilan sa pagitan ng dalawang grupo na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong gunrunner. Wala naman nasugatan sa tropa ng DSOU.
Ibig sabihin, nabawasan na naman ang sindikato na kumikilos sa lungsod.
Kinabukasan, sa drug buy-bust operation ng Kamuning Police Station 10 na pinamumunuan ni Supt. Louise Benjie Tremor. Patay ang isang kilalang tulak nang makipagbarilan sa mga pulis, sa kanto ng Malakas Lane at Matapang St., Brgy Central. Nakompiskahan ang pusher ng 11 sachet ng shabu, at kalibre .38.
Sa pagkakapatay sa tulak, nagpasalamat ang mga residente ng Brgy. Central sa Kamuning PS 10, dahil sa matagal nang problema sa barangay ang salot na tulak.
Ganoon din sa Brgy. Gulod, Novaliches, Tuwang-tuwa rin ang mga mamamayan dahil nabawasan ang mga nagtutulak ng droga sa kanilang barangay.
Napatay sa operasyon ng Novaliches Police Station 4 ang tulak na si Cesar Arive alyas “Lupin” makaraang manlaban sa mga operatiba nang bentahan niya ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakompiska kay Lupin ang 20 sachet ng shabu at kalibre .38.
Si Lupin ay nasa drug watchlist at responsable sa pagkakalat ng droga sa Novaliches.
Hindi lang ‘yan ang mga operasyon ng QCPD simula nang muling koronahan bilang best police district kung hindi, marami-rami pa. Hayun, sa dami pa nang naaresto, lalong sumikip ang mga kulungan sa iba’t ibang estasyon ng QCPD.
Ano pa man, kung inakala ng mga sindikato na nag-laylow ang QCPD sa kanilang operasyon matapos na maging the best… maling-mali ang mga sindikato.
Gen. Esquivel, sampu ng inyong mga opisyal at tauhan, saludo ang bayan sa inyo.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan