DAPAT ay nananahimik na lamang si dating congressman Erin Tañada at hindi na ambisyonin pa ang Senado dahil kung tutuusin ay wala naman siyang kapana-panalo sa darating na May 13, 2019 midterm elections.
Walang maipagmamalaki itong si Erin sa kanyng political career kaya marapat lamang sa maagang panahon ng kanyang buhay ay magretiro na at pagkaabalahan ang pagpunta sa mall, panonood ng sine at magtungo sa magagandang lugar sa Filipinas at sa abroad.
Maliban siguro sa dala-dala niyang apelyido na Tañada, masasabing si Erin ay isang “wall flower” na nakatiwangwang sa mundo ng politika. Noon pa man ay hindi naging kagulat-gulat ang naging trabaho ni Erin kung ihahambing sa kanyang lolong si Lorenzo Tañada na tinaguriang “The Grand Old Man of Philippine politics.” ‘Ika nga, walang binesa itong si Erin!
Tunay na walang binatbat sa mundo ng politika itong si Erin. Kahit noong panahon ng Martial Law, bibihira siyang makita sa mga ‘pagkilos’ sa lansangan hindi tulad ng mga kilala at batikang aktibista na sina JV Bautista, Lean Alejandro at Malou Mangahas.
At nang mahalal na kongresista, hindi tumatak ang pangalan ni Erin sa Kamara. Walang nakayayanig na privilege speech na naideliber at maituturing na basura ang mga panukalang batas pati na ang kanyang press releases.
Kung tutuusin, latak na lamang talaga itong si Erin sa politika dahil sa kabila ng paggiging matapat niyang miyembro ng Liberal Party o LP, hindi siya binigyan ng magandang puwesto ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang administrasyon.
Hindi ba’t inilaglag din si Erin ni Noynoy nang hindi siya isinama sa senatorial slate ng LP noong 2013 elections?
Dahil walang masulingan o mapuntahan, aba’y tinangka rin ni Erin na maging journalist at inakalang magiging “Noli de Castro” o kaya ay “Mike Enriquez” ang damuho! Ngayon, mukhang makasasama pa ang pagpasok niya sa mundo ng telebisyon dahil kung matutuloy man siyang tumakbo sa Senado siguradong walang suporta siyang makukuha sa INC o Iglesia ni Kristo.
At kahit na sa kanyang probinsiya sa Quezon, hindi na rin matibay ang suporta kay Erin. Patunay nito ay nang ilampaso siya ni Dra. Helen Tan sa pagkakongresista sa ika-4 na distrito ng Quezon noong 2016 elections.
Kaya nga, hindi natin malaman kung anong hangin ang pumasok sa ulo ni Erin at nagbabalak pang tumakbo bilang senador sa darating na halalan. Hindi pa ba sapat ang senatorial survey ng SWS at Pulse Asia na nagpapakita na siya ay isa sa mga nagungulelat sa mga tatakbo sa pagkasenador?
At kahit na pagsama-samahin pa ang mga dating ‘tibak’ at sinasabing civil society na gustong tumulong kay Erin ay wala rin silang magagawa para maipanalo siya dahil matagal nang bilasa o panis na paninda sa politika si Erin.
SIPAT
ni Mat Vicencio