MALA-KAPISTAHAN ang pagbubukas ng Boracay sa mga lokal na turista nitong Lunes makaraang isara nang anim buwan upang isagawa ang rehabilitasyon.
Sa “dry run” ng pagbubukas ng isalan, idineklara ni Environment Secretary Roy Cimatu na malinis nang muli ang tubig ng Boracay at maaari nang pagpaliguan.
Isinara ang Boracay makaraan tawagin ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool.”
Sinabing batay sa isinagawang pagsusuri sa kalidad ng tubig ng Boracay, lumitaw na 18.1 mpn (most probable number) per 100 ml ng coliform.
Dating umabot sa 1 million mpn per 100 ml ang coliform sa tubig-dagat ng isla.
Nagsagawa ng countdown ang mga turista bago sila pinayagan makalangoy sa dagat.
Bago nito, naglunsad din ng seremonyang “salubungan” sa dalampasigan ang mga Boracaynon at Aklanon na naging simbolikong pagsalubong nila sa mga turista.
Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, sa 26 Oktubre (Biyernes) ang “soft opening” ng isla na maaari na rin magpunta ang mga dayuhang turista.
Habang pinaalalahanan ng Department of Tourism ang mga magpupunta sa Boracay na tiyakin kasama sa mga accredited hotel ang mga tutuluyang establisimiyento.
Sa ngayon, mayroong 68 hotel na pinayagang tumanggap ng reservation.
Ang mga magtutungo sa Boracay na walang tiyak na tutuluyang accredited hotel ay mahaharang umano sa airport.