FEEL na talaga ang election fever sa Quezon City (marahil ganoon din sa iba pang lupalop ng bansa). Damang-dama na ang eleksiyon kahit sa Mayo 2019 pa naman ito.
Hindi lang nararamdaman ito dahil ilang araw na lamang ay umpisa na ang filing of candidacy kung hindi marami nang umeepal na mga nagpapalnong tumakbo. Naglalagay ng naglalakihang poster o tarpaulin.
Ngunit, kakaiba ang nangyayari ngayon sa Quezon City, winawasak si Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista samantala huling termino na niya sa pagka-alkalde.
Meaning, hindi puwedeng tumakbo sa pagka-alkalde sa Mayo 2019 pero sa kabila nito ay sinisiraan pa rin ang alkalde sa kakaibang paraan.
Hayun, para wasakin ang alkalde na may planong tumakbong kongresista sa ikatlong distrito ng lungsod, ‘pinakialaman’ ang kanyang personal cellphone — oo, may nag-hack sa cellphone ni Bistek at ginamit sa pagpakakalat ng mga maling impormasyon.
Pero, milyong mamamayan ng lungsod ang hindi naman naniniwala sa impormasyon na ikinakalat, sa halip naniniwala ang mga taga-Kyusi na walang kinalaman si Bistek sa pagkakalat ng mga maling impormasyon gamit ang numero ng kanyang cellphone.
Naniniwala rin ang mga mamamayan na ‘nasindikato’ ang CP number ng alkalde.
Lamang nang i-hack, ang text/impormasyon ay may inendosong kandidato daw si Bistek. Kung sino ang dapat na suportahan sa pagka-alkalde sa Mayo 2019 elections.
Obvious na hacked message nga ito, dahil napaka-imposibleng gawin ng alkalde ang ganitong hakbangin. Mag-endorse sa publiko sa pamamagitan ng text message. Labo iyan, Maaari pa siguro iyan kung personal na gagawin ito ni Bistek sa entablado sa panahon ng kampanya hanggang sa araw ng halalan.
Maaaring gawin niya ito sa kapartido kapag campaign period na pero sa ngayon sa pamamagitan ng cellphone, malabong gawin iyan ni Bistek. Si Bistek, magkakaroon ng oras para mag-text sa lahat ng residente ng lungsod. Naku labo ‘yan bro!
Hayun, dahil sa pangyaring paninira kay Bistek, marami-raming residente ng lungsod ang nagalit. Katunayan, kanilang kinokondena ang mga nasa likod ng pagsira sa reputasyon ng kanilang alkalde.
Nanawagan din ang mga residente kay Mayor Bistek na huwag iiwanan ang politika at sa halip, lumaban pa siya para maipagpatuloy ang pagtulong at paglilingkod sa bayan.
Kung susuriin — bakit sinisiraan si Bistek, marami kasing nagawa sa lungsod ang alkalde. Natatakot ang mga nasa likod ng hacked message na kapag… si Bistek ang talagang kumilos ay malamang na matalo ang mga kandidato ng mastermind sa pag-hack sa CP ng alkalde.
Kaya, inunahan na nila si Bistek, hinak ang CP ng alkalde para masira ang kasalukuyang “hari” ng lungsod.
Ano pa man, buo pa rin ang suporta ng nakararaming mamamayan kay Bistek.
Dahil kasi sa pamumuno ni Bautista, ang Kyusi ay itinanghal na pinakamayamang lungsod sa buong Filipinas na may nakolektang buwis nang mahigit P18 bilyon, (P18,539,297,881.68) batay sa ulat ni Noel P. Adrias ng Office the QC Treasurer.
Hindi naman nawawala ang cellphone na regular na ginagamit ni Bistek pero, lubos na ipinagtaka ng alkalde kung paanong nangyari ang pagpapakakalat ng mensahe.
Personal naman nang inatasan ng alkalde ang Quezon City Police District (QCPD) partikular na si Chief Supt. Joselito T. Esquivel, QCPD Director, na bumuo ng grupo para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente – alamin kung sino ang nasa likod ng paninidikato sa kanyang CP number.
Pinakilos na rin ni Esquivel ang QCPD Anti-Cyber Crime team na magsagaw ang imbestigasyon – kilalanin ang grupo ng nasa likod ng ‘pamimirata’ sa CP number ng alkalde.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan