ANG mga babaeng kumakandidato sa Senado ang inaasahang mananalo sa darating na midterm elections sa 2019. Kung anim na babae ang naitalang pumasok sa magic 12 sa huling survey ng Pulse Asia, malamang na madagdagan pa ang bilang nito sa mga susunod pang survey.
Maging sa SWS, hindi mapasusubalian na sina Senador Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar at Rep. Pia Cayetano ay consistent sa mga nangungunang senatorial bets sa halos lahat ng survey na lumalabas, bagamat karamihan pa rin na nasa magic 12 ay pawang kalalakihan.
Pero habang papalapit nang papalapit ang halalan na nakatakda sa 13 Mayo 2019, tila mag-iiba ang anyo ng senatorial race at malamang na marami pang mga lalaki ang malalaglag sa mga survey at tuluyang di makapasok sa magic 12.
Tulad na lamang nina dating Senador Serge Osmeña at Mar Roxas, reelectionist Senator Bam Aquino at Koko Pimentel at maging si dating Senador Jinggoy Estrada ay inaasahang mawawala sa mga susunod na survey at mauungusan ng mga babaeng tatakbo.
Kung matutuloy naman ang kandidatura ni Sara Duterte, makadaragdag ito sa bilang ng mga babaeng magiging senador. Maging si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ay inaasahang mananalo rin sa senatorial race at isa sa tiyak na magsusulong sa mga batas para sa karapatan, proteksiyon at kagalingan ng mga kababaihan.
Kung anim na ang pasok sa magic 12 sa huling survey, hindi malayong madagdagan pa ito kung tatakbong tuluyan si dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal Arroyo, dating Environment Secretary Gina Lopez, ex-Presidential Communications Operations Office Undersecretary Mocha Uson at maging ang host na si Kris Aquino.
Sa kabuuan, 10 babae ang posibleng makalusot sa Senado, at dalawang lalaki na lang ang makapapasok sa magic 12, at pihadong sina dating Senador Lito Lapid at reelectionist Sonny Angara ang mga iyon.
Kaya nga, kung magkakatotoo man na 10 ang makapapasok sa magic 12 sa darating na eleksiyon, sandosenang babaeng senador na ang magkakasamang bubuo sa 19th Congress, dahil may dalawa pang incumbent ngayon, na sina Leila de Lima at Risa Hontiveros.
Maganda ang magiging laban ng mga babaeng senador kung halos kalahati ng bilang ng bumubuo ng Senado ay mga babae, tiyak rin na mas mabibigyang pansin na ang mga batas na magsusulong ng kapakanan ng kanilang mga kabaro.
At isipin na lang ninyo ang ganda ng ‘bakbakan’ sa Senado kung maghaharap-harap sina Mocha, Kris at Imee.
Sana nga ay magkatotoo na maraming babae ang manalong senador sa darating na eleksiyon.
SIPAT
ni Mat Vicencio