MAGING aral sana sa mga law enforcement agencies ang pagpapalaya ng Court of Appeals (CA) sa isang akusado na hinatulang mabilanggo nang habambuhay matapos matuklasan na hindi sumunod sa wastong protocol sa pag-iimbentaryo ng mga ebidensiya.
Sa 11-pahinang desisyon ng CA Second Division, pinawalang sala si Elvis Eusebio Macabuhay, para balewalain o ibasura ang naunang desisyon ng Regional Trial Court Branch 227 na humatol ng life imprisonment at multang P500,000 sa kanya.
Inatasan din ng CA ang Bureau of Corrections na pawalan si Macabuhay mula sa New Bilibid Prison.
Sa record ng CA, si Macabuhay ay inaresto sa isang anti-drug operations sa Quezon City noong 2 Disyembre 2011.
Siya ay inakusahang nagbenta ng .07 grams shabu sa halagang P500.
Ayon kay Macabuhay, nagpasok ng not guilty plea, maraming armadong lalaki ang sapilitan siyang ipinasok sa isang van at dinala siya sa La Loma police station. Dalawa sa kanila ay kinilalang sina PO3 Ronniel Abuyog at PO2 Jonathan Rodriguez.
Ayon sa CA, ang rekesitos na itinatakda ng Section 21 ng Republic Act 9165 ay hindi sinunod ng mga operatiba.
Ang imbentaryo ay hindi ginawa pagkatapos ng pag-aresto, sa halip ito ay ginawa sa Barangay San Jose, na 500 metro ang layo sa pinangyarihan ng buy-bust.
Wala rin umanong kinatawan mula sa media at mula sa National Prosecution Service habang ginagawa imbentaryo.
Hindi po tayo natutuwa na palpak ang pulisya sa kasong ito. Ang pagkaabsuwelto ng akusado ay dahil sa kakulangan at kapalpakan ng law enforcers kaya walang magagawa ang awtoridad kundi ipatupad nang tama ang batas.
Kaya inuulit natin, maging aral sana ito sa mga alagad ng batas at sa iba pang law enforcement units.
Huwag magmadali at huwag na huwag masanay sa pagtatanim ng ebidensiya dahil ang mga burara sa tungkulin ay tiyak na masisilat pagdating ng panahon.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap