ARESTADO ang isang 22-anyos lalaking wanted sa kasong pagtangay at panggagahasa sa kanyang 16-anyos dalagitang pamangkin, makaraang matunton ng mga awtoridad sa pinagtataguan sa Muntinlu-pa City, nabatid sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay MPD Sampaloc police (PS4) station commander, Supt. Andrew Aguirre, kinilala ang suspek na si Andrei Yamson, residente sa Muntinlupa City, nadakip ng mga tauhan ng Intelligence and Warrant Section dakong 3:40 noong hapon ng 1 Oktubre sa kanyang bahay.
Batay sa ulat ng MPD, nabatid na hindi nanlaban ang suspek nang isilbi ng mga pulis ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Celestina Mang-robang ng Manila Regional Trial Court Branch 38, noong 10 Setyembre 2018 dahil sa kasong qualified rape.
Ayon kay PO1 Jo Salalac, ng MPD-PS4, si Yamson ang itinuturong tumangay at gumahasa sa kanyang 16-anyos na pamangkin.
Batay sa rekord ng pulisya, unang ginahasa ng suspek ang biktima sa bahay ng dalagita sa Amelia St., sa Sampaloc.
Sinamantala umano ng suspek na umalis ang ina ng dalagita saka isinagawa ang panghahalay ngunit hindi nagsumbong ang biktima dahil sa takot.
Noong 17 Mayo 2018, nagtungo ang ina ng biktima sa pulisya at ini-report na tinangay ng kanyang kapatid ang biktima at itinago.
Pagsapit ng Agosto ay hinalay umanong muli ng suspek ang biktima kaya’t nang magkaroon ng pagkakataon ay tumakas at umuwi sa kanilang bahay ang dalagita.
Sinampahan ng kaso ang suspek at agad inaresto ng mga awtoridad nang maisyuhan ng warrant of arrest ng hukuman. (BRIAN GEM BILASANO)