MAAARING tumigil na sa pamamasada ang mga jeepney driver kapag hindi itinaas ng kaukulang ahensiya ang minimum na pasahe sa gitna nang patuloy na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, babala ng transport leader kahapon.
Nauna rito, hiniling ng transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas sa P12 ang minimum na pasahe. Nitong Hulyo inaprobahan ng LTFRB ang P9 provisional fare hike.
Ang presyo ng diesel, gasolina at kerosene ay tumaas nang halos piso kada litro nitong Martes.
Bunsod nito, nakapag-uuwi na lamang ng P100 kita ang mga jeepney driver, ayon kay Zenaida Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap).
“Kung saka-sakaling hindi pa rin nila ito aaksiyonan, hindi man namin gustong gumawa ng aksiyon, baka dumating tayo roon sa punto na tumigil na lang ang mga tsuper kasi kaunti na lang ang kanilang iniuuwi talaga,” dagdag niya.