AMINADO si Mike Magat na nanibago siya sa pelikulang Hapi Ang Buhay dahil sanay siya sa action or drama. Pero rito ay kumanta at sumabak sa comedy ang actor/director.
“Yup, kumanta ako… kahit ano’ng role naman, wala nang pili-pili pa, hehehe,” saad niya.
Sambit pa niya, “Actually totoo iyon, nanibago ako kasi rito ay kumakanta-kanta ka, ganoon. Hindi mo alam kung ano ang timing. Noong una nga… Hindi komo datihan ka nang umaarte, pero kapag binigyan ka ng script na ganyan at hindi mo inaral, napakahirap niyon.
“So roon lang, medyo nanibago ako talaga, inaamin ko iyon. Pero nag-enjoy ako sa pelikulang ito, dahil sa aral na mapupulot dito.”
Ang Hapi Ang Buhay The Musical ang second movie ng EBC Films na may misyon na makabuo ng mga pelikulang nakapagbibigay inspirasyon at kapupulutan ng aral. Ito ay mula sa panulat at direksiyon ng award winning director na si Carlo Ortega Cuevas. Ito’y pinagbibidahan nina Antonio Aquitania, Mike, at Victor Neri.
Kahit na kilala sa maaaksiyon at madramang pelikula ang tatlong bida nito ay nagawa pa rin ni Direk Carlo na ilabas ang pagiging singer at komedyante sa kanila. Sure kami na magugulat kina Mike, Victor at Antonio ang manonood nitong Hapi Ang Buhay dahil ibang-iba ang makikita rito sa kanila kompara sa mga nagawa na nilang mga pelikula, lalo na si Victor na kailan lang ay napanood sa madugo at maaksiyong ‘Buy Bust’ na pinagbidahan ni Anne Curtis.
Ang mga karakter sa pelikula ay hango sa Net 25 TV comedy series na Hapi Ang Buhay, na sequel spinoff naman ng Walang Take Two na idinirek din ni Carlo Cuevas.
Si Direk Carlo ay itinanghal na Best Director in Foreign Language Film sa ‘Walang Take Two’ sa International Filmmaker Film Festival of World Cinema sa London, gayondin bilang Best New Comer Filmmaker of the Year sa World Film Awards sa Jakarta, Indonesia. Ang huling pelikula ni Cuevas na ‘Guerrero’ ay nanalo naman kamakailan ng Best Feature Comedy Film sa Amsterdam International Film Festival at gayondin ng best Editing in Foreign Language Film sa Madrid International Film Festival nitong taon.
Saad ni Direk Carlo, “Ang pinakadahilan namin kaya kami gumagawa ng mga pelikula sa EBC Films ay makapag-promote ng values. At naniniwala ako na magagawa ang pagpo-promote ng values nang hindi boring. Kaya, ginagawa namin ang makakaya namin para makapagturo at makapagbigay ng inspirasyon nang hindi naman nakokompromiso ang entertainment value.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio