HINAGUPIT ng industry giant American Tower Corp., at ng Telenor Norway ang panukala ni Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon Jacinto na limitahan sa dalawang kompanya ang papayagang maging tower providers sa bansa.
Ginawa ni Manish Kasliwal, chief business officer ng American Tower sa Asia, at ng kinatawan ng Telenor Norway, ang pahayag sa kauna-unahang public consultation ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ipinapanukala nitong pag-aalis sa mga local telecom company ng responsibilidad na magtayo at mag-operate ng sarili nilang cell sites noong nakaraang linggo.
Giit nila, hindi dapat limitahan ng pamahalaan ang bilang ng mga kompanya na nais pumasok sa ‘independent tower provider sector’ sa Filipinas.
Sa naturang public consultation, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Jacinto at Globe Telecom General Counsel at Senior Vice President Froilan Castelo hinggil sa isinusulong na ‘common tower policy’ ng DICT.
Nagpahayag ng pagdududa si Castelo kung paano magiging mabilis ang proseso sa pagtatayo ng cell sites kung ito ay ibibigay sa isang independent tower provider.
Sa karanasan, aniya, ng Globe, umaabot hanggang walong buwan ang kanilang hinihintay para maaprobahan ng kanilang permit, partikular sa local government units para makapagpatayo ng kanilang tower.
“It is the bureaucracy that really kills us,” aniya, kung kaya mayroon na rin umanong proposal ang Globe na magkaroon ng tower company subsidiary, na magiging partner nila ang gobyerno, para matugunan ang problema sa pagkakaantala sa pagbibigay sa kanila ng naturang permit.
Bukod dito, magiging paglabag din umano sa kanilang congressional franchise ang hindi pagkakaroon ng sariling cell site dahil nakasaad na responsibilidad ng telco na sila ang gumawa at mamahala ng kanilang tower.
“Preventing us from doing that will be considered as impairment of contract and in violation of the Philippine constitution,” pagdidiin ni Castelo.
Inalmahan din ni House Minority Leader at Quezon province Rep. Danilo Suarez ang naturang plano ng DICT.
“I think it’s not fair,” ang mariing tugon ni Suarez nang hingan ng reaksiyon hinggil sa ‘common tower policy’ na nais ipatupad ng nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Suarez, para makatipid-tipid ay mas mabuting gamitin ang ‘backbone’ ng TransCo (National Transmission Corporation).
Giit niya, hindi siya sang-ayon sa panukala ng DICT na ibigay sa ‘independent company’ ang pagpapatayo at operasyon ng mobile phone at telecommunications towers, na gaya ng nais mangyari at hayagang ipinagtatanggol ni Jacinto.
“I don’t care (kung sino pa ang napu-push), but that’s not fair. Alam mo, pagkakaperahan lang ‘yan, hindi pupuwede ‘yan,” anang Quezon province lawmaker.
HATAW News Team