PAGKATAPOS ng grand media launch ng trilogy movie na Tres nina Bryan, Jolo, at Luigi Revilla ay tumuloy sila sa Custodial Center Of The Philippine National Police (PNP) Camp Crame, Quezon City na roon nakakulong ang papa nilang si ex-Senator Bong Revilla, Jr. kasama rin ang mga titas at tito Marlon Bautista at iba pang kaanak at kaibigan sa media. Inasalto ng lahat si Bong para sa 52nd birthday niya kahapon, Setyembre 25.
Sa nakaraang solo-solo presscon ng Tres ay natanong namin si Ms Andeng Ynares kung ano ang pagkakaiba nina Bryan, Jolo, at Luigi pagdating sa pag-arte.
“Magkakaiba sila, Reggee, like si Jolo (72 Hours) dati na namang nag-aaksiyon ‘yan, tulad ni kuya (Bong), si Bryan mahusay, revelation siya ‘Virgo’. Si Luigi, iba rin ang talent (Amats) bukod sa acting, he’s into music. Marunong siyang mag-gitara at kinukuha siya ng Star Music, abangan mo ang kanta niya,” nakangiting sabi sa amin ng guwapang tita ng tatlo.
At nitong Lunes ay nakasabay naman namin sa entrance ng ELJ Building si Ms Andeng kasama ang panganay nila ni Antipolo City Mayor Junjun Ynares na maysakit at dinala sa doktor at isinama na rin sa grand media launch ng Tres.
Tinitigan namin ang bagets na sampung taong gulang at bulong namin kay Ms Andeng, “ang lakas ng dugo n’yo, kamukhang-kamukha n’yo.” At female version pa ni Jolo.
Samantala, bago matapos ang presscon ay hiningan ng komento si Ms Andeng kung ano ang masasabi niya sa mga pamangking itinuring anak.
“I call them The Boys, you know, the three boys of Kuya Bong, para ko na rin silang mga anak. At pinagsasabihan ko sila na, you know, to keep your feet on the ground.
“Kasi, iyan ang payo ng tatay ko, (Ramon Revilla Sr.
“Tinanong ko siya, ‘Daddy, ano ang puwedeng i-advise mo roon sa tatlong batang lalaki? Ano ang secret ba ng pagiging isang superstar?’
“Ang sabi sa akin ng daddy ko is humility. To be humble. And nakikita ko naman ang qualities na ‘yun dito sa mga poging pamangkin ko.
”You know, boys, I’m proud of you, give it all your best. Kayang-kaya natin ‘to. And hopefully, this will open doors for you para magkaroon kayo ng mga soap kasi, iyan naman ang dream ng papa niyo sa inyo.
“And ‘yung papa niyo, ang pangarap sa inyo, maging superstar din kayo. Pero kailangan, always feet on the ground. Tama ba ‘yun, boys?”
At nag-agree naman ang tatlong barako.
Tinanong namin ulit si Ms Andeng kung ano naman ang pagkakaiba sa ugali ng mga pamangkin niya.
“Actually, lahat sila mababait, malambing, ito (sabay turo kay Bryan), malambing ‘yan hindi lang halata, nakikinig ‘yan. Si Luigi, malambing din, actually pareho nga silang tatlo. Ahh, si Jolo makulit, nagmana sa papa niya,” nakangiting sagot sa amin.
Anyway, ang wish ni Bong para sa mga anak, “sana kumita ‘yung mga bata.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan