MAYROON itong isang grupo na nagbubuklod upang tahakin ang landas ng pagtulong sa kapwa Filipino lalo ang mga kapos-palad nating kababayan na nangangailangan. Lalo na ngayon na hindi lamang kawalan kundi hinagpis ang idinulot ng bagyong Ompong sa marami nating kababayan. Hindi pa tayo nakasisiguro na wala nang gaya ni Ompong na hahambalos at kung saang dako pa ng ating bansa.
Sa panimula, mayroon nang public group sa Facebook ang grupo na ang pangalan ay Anakalusugan Philippines, at pati na rin pala ang kanyang Facebook account na Anakalusugan. At pasunod na rin agad ang kanilang website.
Nakausap ko ang ilan sa mga opisyal ng grupong Anakalusugan at nakabibilib ang kanilang ginagawa. Nagsimula pala ito sa Sto. Tomas, Batangas na mayroon silang tinatawag na “Klinika ng Bayan.” Hindi lamang libreng konsulta at gamot ang kanilang ibinibigay kundi relief goods din gaya ng bigas at iba pang pagkain ang iniaayuda para makatulong kahit panandalian sa mga nasasalanta ng kalamidad.
Nabanggit ko rin lang ang bayan ng Sto. Tomas, ngayon pa lamang ay binabati ko na ang mga mamamayan ng naturang bayan dahil malamang sa susunod na buwan ay magiging siyudad na ang nasabing bayan, kauna-unahan sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Ibig kong sabihin, magkakaroon na ng plebesito sa nasabing bayan para maging siyudad at malamang panalo na ‘yan.
Ang maganda sa ginagawa ng grupong Anakalusugan, kasama ang makabuluhang paghahatid ng impomasyon at edukasyon sa mga isyung bumabalangkas sa kalusugan ng tao at lipunan. Partikular, bilang simulain, ang kapakanan at kalusugan ng mga kobrador at kabo ng mga tinatawag na korporasyon ng Small Town Lottery (STL).
Kung matuloy ang binabalak ng Anakalusugan na maghatid ng bigas, medisina at iba pang puwedeng iayuda sa mga nasalantang mamamayan sa Cagayan ay magandang simulain ito ng grupo. Sa aking narinig, target ng grupo na puntahan ang mga bayan ng Sta. Teresita, Gonzaga at Cagayan upang maghatid ng tulong sa mga mamamayan doon. Panalo ang Mamamayan! Panalo ka Anakalusugan!
Magandang abangan ang grupong ito dahil sa dinami-dami na ng mga katulad nito ay mas kikilatisin sila ng mamamayan kung ano ang mayroon sila na wala sa iba.
Maganda ang adbokasiya ng grupong ito dahil kahit anong partido politikal ang kinaaniban ay swak sa kanilang pagtulong. Kumbaga, walang kulay ang kalusugan para sa grupo, “dutertard” ka man o “yellowtard.”
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin