MALAYO pa ang eleksiyon pero ngayon pa lamang ay halos buo na ang kaisipan ng mga Pinoy kung sino ang mga iboboto nilang senador sa Mayo 2019. Kung paniniwalaan ang huling survey ng Pulse Asia, halos apat na porsiyento (3.6%) na lamang ng mga botanteng Pinoy ang hindi pa tiyak sa kanilang iboboto. Karamihan (96.4%) ay siguradong isusulat nilang pangalan sa balota.
Tulad ng inaasahan, pamilyar na mga pangalan ang nangunguna sa karera sa Senado. Lima sa kasalukuyang senador ang halos sigurado nang maihahalal muli. Nasa “Top 12” ang pangalan nina Grace Poe (#1), Cynthia Villar (#2), Nancy Binay (#3-4), Edgardo “Sonny” Angara, Jr. (#5-7), at Aquilino “Koko” Pimentel III (#7-11).
Kabilang rin sa mga llamado ang mga dating Senador tulad nina Pia Cayetano (#2-4), Jinggoy Estrada (#6-12), Lito Lapid (#7-11), Sergio “Sergs” Osmeña (#8-17), at Manuel “Mar” Roxas (#11-17). Malakas din ang dating ng anak ng Pangulo, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio (#5-6), na naungusan pa ang mga beteranong senador at pumasok sa “Top 6” sa listahan.
Maliban kay Roxas, nasa #11-17 puwesto rin sina Sen. JV Ejercito, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Bureau of Correction Chief Ronaldo “Bato” dela Rosa, action star Robin Padilla, at kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo. Bagama’t wala pang karanasan sa Senado, malakas ang hatak nina Imee, Bato, Robin at Mon sa botanteng Pinoy kung pagbabatayan ang bilang ng mga gustong makipag-selfie sa kanila saan mang panig ng bansa magpunta.
Kung pagbabatayan ang nakaraang eleksiyon, malaki ang tsansang ang nabanggit na mga pangalan na nasa “Top 18” ang maibobotong senador sa Mayo 2016. Dahil dito, masasabi nating sumisikip na ang karera sa Senado, walong buwan pa bago ang aktuwal na halalan. Pero hindi dapat makampante ang mga nasabing kandidato dahil marami pa ang puwedeng mangyari bago ang araw ng eleksiyon.
Hindi rin naman kasi dapat balewalain ang mga kandidato na nakabuntot sa listahang nabanggit. Matunog din ang mga pangalan nila tulad na lamang nina Sen. Bam Aquino, bradcaster Ted Failon, Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista, dating Environment Secretary Gina Lopez, Special Assistant to the President Bong Go at aktres na si Kris Aquino.
Ang nakagugulat at dapat din bantayan ng mga kandidato, ang biglaang pagpasok sa listahan ni dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Sinabi niya na magreretiro na siya matapos ang termino sa House of Representatives.
Sa kabila nito, nakopo niya ang ika-24 na puwesto kahit na nagsabing wala siyang interes na maging senador.
Dapat nating alalahanin na hindi bago sa Senado si Speaker Gloria. Ilang beses din siyang nahalal na senador bago naupong Pangulo ng bansa. At tulad ni Grace Poe, lagi siyang nangunguna sa listahan ng mga nananalong senador tuwing may eleksiyon.
Hindi rin dapat balewalain ang 99% “awareness rating” ng dating Pangulo. Mga popular na personahe lamang ang nakakukuha ng ganito kataas na pagkilala ng mga Pinoy. Ang kahanay lamang niya sa kasikatan ay sina Kris Aquino, Robin Padilla, at Lito Lapid.
Ayon sa mga nakausap nating political analyst, malaking salik ang “awareness rating” sa pagkakapanalo ng kandidato. Hindi raw kasi bumoboto ang mga Pinoy sa mga kandidatong hindi nila kilala. Ito ang dahilan kung bakit maraming artista ang nananalo hindi lamang bilang senador kundi bilang kongresista, gobernador at mayor.
Ganonpaman, alam naman nating lahat na hindi lamang kasikatan ang batayan ng mga Pinoy sa pagpili ng kandidato. Marami rin sikat na mga personahe ang natalo na sa eleksiyon. ‘Yun nga lamang, malaking bagay talaga sa eleksiyon ang tanyag na pangalan.
Malayo pa ang halalan. Sana ay matutong suriin ng mga botante ang kandidatong pipiliin. Sabi nga ng matatanda, laging nasa huli ang pagsisisi.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III