Saturday , April 20 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Drug test sa kolehiyo, uumpisahan na

SIMULA sa susunod na school year (2019-2020), bibigyan ng kapangyarihan ang mga unibersidad at kolehiyo na magpatupad ng man­datory drug testing sa kanilang mga estudyante. Kung mandatory na ang drug testing, maaari nang obligahin ng mga pamantasan ang lahat ng estudyante nila na magpasuri sa droga.

Nagulat tayo sa balitang ito dahil wala na­mang bagong batas na naipasa hinggil dito. Sa halip, naibigay ang bagong kapangyarihang ito sa mga pamantasan batay lamang sa Memo­randum Circular No. 18 na inisyu ng Commission on Higher Education (CHED) nito lamang 26 Oktubre 2018.

Tila ito ang sagot ng CHED sa kahilingan ng Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA) na magpatupad ng mandatory drug testing sa lahat ng paaralan sa bansa — mula Grade 4 sa elementarya hanggang kolehiyo. Batay kasi sa datos ng PDEA, mahigit kalahati ng bilang ng mga naaresto sa ilegal na droga ay estudyante. Hindi pumayag ang Department of Education (DepEd) sa planong isama ang elementary at high school students sa mandatory drug test. Halos P2.8 bilyon kasi ang kailangan para maipa-drug test ang 14 milyong estudyante mula Grade 4 hanggang Grade 12. Sa halip na gawing sapilitan, nagpapatupad na lamang ng random drug testing ang DepED para sa 21,000 high school students at 10,000 teachers.

Kung pagbabasehan ang Memorandum Order No. 18, seryoso naman ang CHED sa hangaring pagbigyan ang kahilingan ng PDEA. Nakasaad sa Sec. 15 ng nasabing memorandum na maaaring magpatupad ng mandatory drug testing sa kanilang mga estudyante ang mga Higher Educational Institutions (HEI) kung nanaisin nila. Ang kailangan lamang gawin ng HEI, ilagay ang nasabing polisiya sa kanilang Student’s Handbook bilang bahagi ng mga regulasyon sa pagtanggap ng bagong estu­dyan­te (admission) at pananatili ng mga lumang estudyante sa pag-aaral (retention). Kailangan ding isalang ng Board of Governors ang nasabing polisiya sa konsultasyon sa student government at iba pang sektor sa kampus. Dapat umanong matapos ang konsultasyon sa Pebrero 2019.

Kung magiging positibo sa droga ang estu­dyante, hindi ito maaaring gamitin ng pamantasan para paalisin siya sa pag-aaral. Obligasyon lamang ng Drug Testing Coordinator ng paman­tasan na magpatawag ng kom­pe­rensiya sa estudyante at magulang para pag-usapan ang resulta ng drug testing. Naka­depende pa rin sa Student Handbook kung ano ang kailangang gawin ng estudyante para maalis sa implu­wensiya ng droga at magpatuloy sa pag-aaral. Obligasyon din ng pamantasan na sigu­ruhing confidential ang resulta ng drug testing na isasagawa. Layon kasi nito na protektahan ang reputasyon ng mga estudyanteng mapa­patunayang gumagamit ng ilegal na droga.

Mabuti man ang intensiyon ng CHED sa pagpapalabas ng memorandum circular, nakatitiyak tayo na kukuwestiyonin ang legalidad ng mandatory drug testing sa Korte Suprema. Mismong si PDEA Director General Aaron Aquino kasi ay umamin na kailangang magpasa ng bagong batas para magpatupad ng mandatory drug testing at maamyendahan ang Republic Act 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nakasaad sa Section 36 ng nasabing batas na random drug testing lamang — at hindi mandatory drug testing — ang puwedeng ilagay sa Student Handbook para sa mga high school at college students.

Dagdag din na problema para sa mga magu­lang ang gastos sa drug testing ng mga anak na pinapaaral. Ang alam natin, aabot sa P180 ang halaga ng drug test sa mga ospital na pina­patakbo ng Department of Health (DOH). Maliit na halaga para sa may kaya pero malaking paru­sa para sa mahihirap.

Kung talagang seryoso ang gobyerno sa drug testing, nararapat lamang na maglaan ito ng kaukulang pondo para sa nasabing programa. Malaki ang maitutulong kung isasama ang nasabing pondo sa 2019 national budget na pinagdedebatehan pa ngayon sa Kongreso. Malaking tulong din kasi ito sa mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa kolehiyo. Kaisa tayo ng gobyerno sa layunin na linisin ang mga paaralan sa impluwensya ng iligal na droga. Sana lamang ay magawa natin ito nang hindi lumalabag sa mga karapatang pantao.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Sinong gustong dumaan sa EDSA Carousel?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa mga nagdududa sa ‘kasagradohan’ ng EDSA Carousel …

Sipat Mat Vicencio

Mayor Abby Binay pasok sa ‘Magic 12’ ng Pulse Asia, hahaha…

SIPATni Mat Vicencio SINO ba naman ang maniniwala sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan …

Dragon Lady Amor Virata

Ikot-ikot na para sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata IBA’T IBANG pakulo o propaganda na ang sinisimulan ng …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

QCPD nakapagtala ng 82.61% Crime Solution Efficiency sa nagdaang Semana Santa

AKSYON AGADni Almar Danguilan SADYANG hindi maiwasan na saluduhan ang Philippine National Police (PNP) sa …

YANIG ni Bong Ramos

Riders at tricycle drivers, ‘suki’ ng traffic enforcers

YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang kalagayan ng riders at tricycle drivers dahil sila ay suking …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *