LUMUSOB ang mga magsasaka mula sa Bicolandia para sumanib sa pagkilos ng United People’s Action against Tyranny and Dictatorship sa Luneta sa ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.
Bago sumama sa kilos protesta, makikipagpulong sila sa mga opisyal ng Philippine Coconut Authority (PCA) para himukin na ibalik ang P105 bilyong coco levy fund.
Hindi anila sila puwedeng ‘mag-move on’ mula sa Martial Law at iba pang kalupitan na ginawa ng mga Marcos.
Anila, ang coco levy fund kinuha ng mga Marcos sa mga ninuno nila noong Martial Law at hindi ito ibinalik sa kanila, ayon kay Jonathan Moico, kasapi ng Bicol Coconut Planters Association (BCPAI) at Kilusang Magbubukid ng Bicol.
Giit ni Antonio Flores, secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang coco levy fund ay pag-aari ng maliliit na magsasaka at dapat lamang ibalik sa kanila.
Aniya, gawin itong “Genuine Small Coconut Farmers Fund” at pangasiwaan ng mga magsasaka hindi ng fund managers.
(Gerry Baldo)