SIGURO ay pamilyar na sa ating lahat ang kuwentong si David at Goliath na hindi kaila sa atin ay nakatala at nakasaad sa Biblia.
Kung sa literal natin titingnan, si David ay sinisimbolo sa isang batang musmos na walang ibang makinarya kundi ang pananampalataya sa Diyos, tapang at paninindigan. Si Goliath naman sa kabilang dako ay sumasagisag sa kapangyarihan, tapang ng isang batikang mandirigmang kinatatakutan ng lahat dahil sa daming napatay na Israelito.
Bukod-tanging ang batang si David ang tumanggap ng hamon ni Goliath na siya ay labanan bagama’t wala pang karanasan sa kahit anong digmaan sa kanyang murang edad.
Walang ibang sandatang dala si David maliban sa limang makinis na batong kinuha niya sa sapa, ang kanyang tirador at ang patnubay niyang hiningi sa Panginoon samantala si Goliath ay nababalutan ng tansong kasuotan partikular ang kanyang espada, sibat at kalasag. Complete battle gear ‘ika nga natin.
Siyam na talampakan ang taas ni Goliath kung kaya’t hanggang baywang lang niya si David. Liyamadong-liyamado sa laban si Goliath, 10 is to one ang odds kung may pustahan.
Hindi na nagkadikitan ang dalawa, hindi na nakuhang bumunot pa ng espada ni Goliat dahil sa batong makinis galing sa tirador ni David ang tumama’t bumaon sa kanyang noo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Ikinagulat ito ng marami pero naisip rin nila na wala nga namang malaking nakapupuwing.
Dito na natin ikokompara ang kasalukuyang mainit na isyu sa ating bansa na kinasasangkutan ng dalawang magiting na mandirigma sa katauhan ni Senador Antonio Trillanes at Pangulong Rodrigo Duterte. Sila ang local version ng David at Goliat.
Hindi naman digmaan o patayan ang labanan ng dalawa kundi prinsipyo’t paninindigan na sa tingin ko’y mas higit pa sa digmaan at patayan dahil iisa lang ang dapat na manaig sa kanilang dalawa, dahil ito ang magiging sandigan ng bayan at ng mamamayan hanggang sa huli.
Si Trillanes ang lumalabas na parang si David dahil bata pa at walang ibang makinarya kundi ang tapang, paninindigan at pananampalataya sa Panginoon samantala si Pangulong Digong ang lumalabas na si Goliath dahil sa kanyang angking tapang, kapangyarihan, mga kawal at marami pang iba. Completos recados, Bay, ‘di ba?
Kung tutuusin ay nakapusta ang lahat kay Pangulong Digong dahil kompleto nga ang makinarya, puwedeng magdikta sa isang kumpas lang ng kanyang kamay o daliri, soli-pera kung may pustahan, walang dibidendo, walang odds o figure.
Nakabibilib rin naman si Senador Trillanes dahil sa lahat ng hamon ay bukod-tanging siya lang ang sumasagot at pumapalag , alam naman natin na siya ang pinakamahirap na Senador sa bansa ngunit naka-deklara ang lahat, ganon pa man ay hindi naging balakid ang kanyang kahirapan sa kanyang ipinaglalabang prinsipyo at paninindigan.
Siya lang ang hindi nagpakita ng takot sa kapangyarihan at tapang ni Goliath, ultimo ang kanyang mga kaalyado ay tila takot na at hindi na kumikikig, mas lalo ang mga mamamayan na parang may trauma na at sobrang nangangamba na sa kasalukuyang administrasyon.
Sino ba naman ang hindi matatakot, mantakin ninyo kung ilang libong mga tao na ang namatay at pinatay hindi sa digmaan kundi sa kampanya at giyera ng gobyerno laban sa illegal na droga, kulang na lang na akusahan lahat ng mamamayan na mga user at pusher, punyetang droga “yan hindi na natapos-tapos ang isyu.
Buti pa ang labanan ng mga Israelita at mga Pilisteo, sakupin ang bayan ng isa’t isa kung kaya’t marami man ang mamatay ay magkaibang lahi sila samantala dito sa Filipinas ay Pinoy sa Pinoy ang namamatay at pina-patay.
Tsk tsk tsk.
Abangan na lang natin ang resulta ng laban nina David at Goliath dahil kinabukasan ng Filipinas ang nakasalalay dito, to both of you, good luck and may the best man win anyway at the end of the day it’s still God’s will, in God’s time and he will surely make a way when there seems to be no way.
“Vox Populi Vox Dei…”
YANIG
ni Bong Ramos