Monday , December 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Kalamidad sa Filipinas, resbak ng kalikasan?

NGAYONG nakalayo na ang bagyong Ompong sa Filipinas, unti-unti nang pumapasok ang mga balita tungkol sa kabuuang pinsala na dala nito sa bansa. Dahil putol ang mga linya ng komunikasyon sa mga lugar na binayo ni Ompong, natagalan bago natin nalaman kung ilan ang namatay at nasugatan sanhi ng ulan at hangin na dala ng bagyo. Nito lamang nakaraang mga araw natin nakita ang kalunos-lunos na larawan ng mga gumuhong bahay, nasirang mga estruktura at nabuwal na puno’t poste sa ruta ng bagyo.

Kung tutuusin, medyo mapalad pa nga tayo ngayon dahil kaunti lamang ang namatay o nasugatan sa bagyong Ompong kompara sa pinsalang dala ng bagyong Yolanda noon. Pero bago natin purihin ang ating mga sarili, hindi lamang ang napapanahong paghahanda sa bagyo ang dahilan kaya maliit ang bilang ng biktima ni Ompong. Bukod sa sama-samang dasal ng mga Filipino, malaking salik dito ang rutang dinaaan ng bagyo.

Maging mga ‘weather forecaster’ sa ibang bansa ay natakot sa lakas ng bagyong Ompong na kilala nila sa pangalang super typhoon Mangkhut. Ito kasi ang pinakamalakas na bagyong dumaan sa planeta ngayong taon. Category 5 ang inaasahan ng marami kung kaya’t naikompara ito sa Yolanda.

Mabuti na lamang at nasa ruta ni Ompong ang Sierra Madre mountain range. Tinaguriang “backbone of Luzon” ang Sierra Madre ang pinakamahabang bulubundukin sa Filipinas. Sakop nito ang 10 probinsiya kabilang ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon.

Hindi maliliit na bundok ang bumubuo ng Sierra Madre. Kabilang dito ang nagtatayugang Bundok ng Anacuao sa Aurora province at Bundok Cetaceo sa Cagayan (6,069 feet) gayondin ang Bundok Guiwan sa Nueva Vizcaya (6,283 feet). Dahil sa haba at tayog ng bulubunduking ito, natural na proteksiyon ang Sierra Madre sa mga paparating na bagyo galing sa Pacific Ocean.

Ang Sierra Madre ang pinasasalamatan ng mga eksperto kung bakit humina ang Bagyong Ompong pagpasok nito sa Filipinas. Sa halip na maging super typhoon, nabawasan ang hanging dala ni Ompong matapos humampas sa bulubunduking bahagi ng bansa. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit wala tayong nabalitaang “storm surge” o daluyong na dala ng bagyo.

Kung matatandaan, ang daluyong ang dahilan kung bakit libo-libo ang namatay dahil sa super typhoon Yolanda noong taong 2013. Nakausap natin noon ang ilang tao na nakaligtas sa daluyong ni Yolanda. Lampas dalawang bahay daw ang taas ng daluyong galing sa dagat at paulit-ulit na humampas sa lupa. Nakita rin natin na halos isang kilometro ang inabot ng daluyong batay sa layo ng nawasak na kabahayan mula sa dalam­pasigan.

Sa bagyong Ompong, napansin ng mga nakaligtas na biktima na nasa mataas na bahagi lamang ng kabahayan ang malakas na hanging tumama sa hilagang bahagi ng bansa. Sanhi nito, mga bubong ng bahay at gusali ang pinagbun­tuntunan ng bagsik ng bagyo. Marahil, kung hindi tu­mama sa Sierra Madre ay nagdulot din ng daluyong si Ompong at mas marami pa ang nama­tay.

Bagama’t humina ang hangin, malaki pa rin ang volume ng ulan na ibinuhos ni Ompong sa bansa. Nasabay kasi sa habagat ang bagyo. Maraming lugar ang lubog sa baha kabilang ang Baguio City. Hindi inaakala ng marami na babahain ang Baguio dahil nasa mataas na bahagi ito ng bansa.

Kung mga lokal na opisyal ang tatanungin, hindi raw kaya ng ‘sewerage system’ ng lungsod ang bugso ng ulan. Pero para sa mga residente ng Baguio City, illegal logging at walang habas na konstruksiyon sa lungsod ang dapat sisihin.

Maraming leksiyon ang itinuturo sa atin ng bagyong Ompong. Pangunahin dito ang pangangailangan na pangalagaan ang kalikasan. Kailangan seryosohin ang pagtatanim ng mga puno sa buong bansa at tigilan ang mga mapaminsalang gawain sa ngalan ng pag-unlad.

Marami pang bagyo at kalamidad ang tatama sa Filipinas. Huwag nating galitin si Inang Kalikasan. Hindi natin magugustuhan ang kanyang nagngangalit na resbak sa sambayanan.

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *