IN no time soon ay magbubunyi na ang buong pamilya’t mga tagasuporta ni dating Senator Bong Revilla.
At bakit? Maugong kasi ang balitang lalaya na sa wakas ang aktor-politiko na apat na taon ding nakabilanggo sa PNP Custodial Center kaugnay ng kinakaharap na PDAF case sa ilalim noong Aquino administration.
Matatandaang binusisi ang kaso sa pangunguna ni dating DOJ Secretary Leila de Lima (na nasa piitan din ngayon) laban sa dalawa pang kabaro ni Bong na sina Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada, gayong nakapagtatakang ang isinasangkot ding si dating Budget Secretary Butch Abad ay nag-e-enjoy ng kanyang kalayaan.
Pinaniniwalaang ang ‘di pagpaparusa kay Abad ay may basbas umano ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Maging ang sinasabi kasing mastermind sa likod ng scam na si Janet Napoles ay tikom din ang bibig.
Pero magwawakas na raw ang matagal nang inaasam-asam na verdict na nararapat lang kay Bong, ang ito nga’y makalaya para mamuhay tulad ng pangkaraniwang mamamayan.
Paniniyak naman ni Bong sa kanyang paglaya’y buong tapang niyang haharapin ang kasong iniuugnay sa kanya. Wala sa isip niya ang tumalikod o tumakas.
Apat na taong ninakawan ng kalayaan ay hindi biro sa kaso ni Bong. Ilang Pasko, kaarawan niya at mahahalagang petsa sa buhay niya ang lumipas habang nagdurusa siya sa piitan.
Dahil nagsimula na nga ang “ber” months ay inaasahan ng kanyang mga mahal sa buhay na pasasaan ba’t merry ang kanilang Christmas this year.
Kasabay siyempre ang paniniwalang mapapatunayan ni Bong na mali ang paratang laban sa kanya.
Eh, ‘di wow!
(RONNIE CARRASCO III)