ARESTADO ang isang most wanted person sa Taiwan sa kasong pag-chop-chop sa isang Canadian teacher, makaraan salakayin ng mga tauhan ng Cainta PNP at Bureau of Immigration (BI) ang kanyang pinagtataguan sa Cainta, Rizal.
Kinilala ni S/Supt. Lou Evangelista, Rizal PNP provincial director, ang nadakip na si Oren Shlomo Mayer, nasa hustong gulang, ngayon ay nakapiit sa detention cell sa Bicutan, Taguig, City.
Si Mayer ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa Taipei dahil sa pagpatay, pag-chop-chop sa labi at pagtatapon sa bangkay ng isang Canadian teacher.
Nadakip ang suspek sa Cainta, Rizal nang pinagsanib na puwersa ng BI Fugitive Search Unit at PNP.
Nakatakdang i-deport si Mayer para maiharap sa paglilitis sa kasong pagpatay sa biktimang si Sanhay Ryan Ramgahan noong 21 Agosto 2018.
Nabatid na si Mayer, nagtatago sa alyas na Oz Diamond, ay dumating sa Maynila noong 25 Agosto 2018, apat araw makaraang masangkot ang kanyang pangalan at ang dalawang iba pang suspek sa pagpatay kay Ramgahan sa Yonghe District sa Taipei.
Habang sinabi ni BI Intelligence Officer and FSU Chief Bobby Raquepo, si Mayer ay hinihinala rin big time supplier ng marijuana sa Northern Taiwan at ang pagpatay sa biktima ay maaaring konektado sa ilegal na droga.
ni ED MORENO