NAGPAKITA ng bangis ang defending champion San Beda University Red Lions at Lyceum of the Philippines Pirates matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa simula ng second round ng 94th NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Center, San Juan City.
Wala pa rin dungis ang karta ng last year’s runner-up Pirates, kinaldag nila ang San Sebastian College, 88-70 sa unang sultada habang sinakmal ng Red Lions ang 73-45 panalo kontra Jose rizal University sa pangalawang laro upang tumibay ang kapit sa second spot ng team standings.
Kumayod si reigning Most Valuable Player, (MVP) CJ Perez, nakipagtulungan sa magkapatid na sina Jaycee at Jayvee Marcelino upang akbayan ang Pirates sa panalo at ilista ang 10-0 record.
Tumikada si Perez ng 21 puntos, siyam na rebounds at limang steals habang bumakas sina Jaycee at Jayvee ng 17 at 14 markers ayon sa pagkakasunod para sa Intramuros-based squad Lyceum.
“Big win for us because before this game, we reminded ourselves that this team is playing like a Final Four team even though they’re at 10th,” hayag ni LPU coach Topex Robinson.
Kumana si Michael Calisaan ng 17 puntos at 11 rebounds para sa Golden Stags na nalasap ang pang-siyam na talo sa 10 laro.
Samantala, namuno sa opensa para sa Red Lions si skipper Robert Bolick, tumarak ng 14 markers para ipinta ang 9-1 card.
May 2-8 baraha ang Heavy Bombers na pinamunuan ni Jed Mendoza matapos tumipa ng 13 puntos.
(ARABELA PRINCESS DAWA)