AMININ man ng gobyerno o hindi, may krisis na tayo ngayon sa bigas. Wala nang mabiling murang bigas sa palengke. Sa ilang lugar na pinapalad pang makapagbenta ng murang bigas galing sa National Food Authority (NFA), metro-metrong pila naman ang kailangang bunuin ng mamimili.
Sa Zamboanga City na lamang, napilitang mag-deklara ng ‘state of calamity’ ang lokal na pamahalaan dahil sa krisis sa bigas. ‘Yung dating bigas na nabibili ng P32 hanggang P35 kada kilo, pumalo na sa P75 ang presyo kada kilo.
Hindi man ganito kataas ang presyo sa ilang bahagi ng bansa, parusa sa araw-araw ang paghahanap ng murang bigas. Kahit ikutin man ang lahat ng palengke, milagro nang makabili ng bigas na mas mababa sa P50 kada kilo ang presyo.
Sa harap ng ganitong krisis, normal nang magturuan ng sisi ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at ang rice traders. Kung tatanungin ang gobyerno, kasalanan ito ng rice traders na nagmamanipula ng presyo ng bigas. Para sa rice traders naman, kasalanan ito ng gobyerno dahil sadyang kulang daw ang suplay ng bigas.
Para sa mga politiko, kailangan naman daw magsagawa ng masusing imbestigasyon para malaman ang puno’t dulo ng krisis na ito. Kesyo kailangan nang buwagin ang NFA dahil inutil. Dapat din daw makulong at parusahan ang mga responsable sa manipulasyon ng presyo ng bigas.
Ang hindi napag-uusapan, posibleng may kaugnayan ang krisis sa bigas sa paparating na eleksiyon. Hindi lamang kasibaan o kasakiman ang nasa likod ng problemang ito. May politika tayong naaamoy dito.
May nasagap tayong balita na ilang politiko na tatakbo sa darating na eleksiyon ang namimili ng libo-libong sako ng bigas mula sa NFA at sadyang iniipit ang distribusyon nito sa merkado. Ito umano ang isa sa dahilan kung bakit limitado ang suplay ng murang bigas sa mga palengke sa ilang lugar sa bansa.
Kung mahal nga naman ang bigas at wala ka pang mabili nito sa palengke, maituturing na ginto ang bigas sa panahon ng kampanya. Kailan ba magsisimula ang kampanya para sa lokal na eleksiyon sa Mayo 2019? ‘Di ba sa susunod na buwan na?
Ngayon pa lamang ay may nababalitaan na tayo tungkol sa gawi ng ilang politiko na namimigay ng bigas sa panahon ng krisis. Para sa mga botante, tila ‘messiah’ o tagapaglitas ang tingin nila sa mga ganoong klase ng politiko. Ang hindi nila alam, ang mga nasabing politiko ang responsable sa kawalan ng suplay ng bigas sa merkado.
Hindi rin malayo na deretsong hingin ng mga politiko ang mga boto kapalit ng bigas. Aanhin mo nga naman ang pera kung wala ka namang mabiling bigas sa palengke. May mapagpipilian ba ang mga kawawang botante?
Kung totoo ang balitang ito, dapat kumilos agad ang mga imbestigador ng gobyerno para matigil ang modus operandi na ito.
Napapanahon ang masusing imbentaryo ng mga bigas na ipinagbili ng NFA sa mga politiko man o sa mga rice trader. Kung kinakailangan, buksan ang mga imbakan ng bigas para malaman kung sino ang nagtatago nito at nang-iipit ng suplay sa merkado. Kailangan natin ang murang bigas ngayon, hindi libreng bigas sa eleksiyon.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III