IYONG mga nakapanood ng pelikula ni Daniel Padilla, iyong The Hows of Us noong premiere niyon ay nagsabi sa amin na talagang napakahusay ng acting ng matinee idol. Sinasabi nga nila, hindi na matinee idol si Daniel, isa na siyang tunay na actor.
May nagsabi pa nga sa amin, hindi lang masasabing si Daniel ang makakapalit ni John Lloyd Cruz, mukhang mas nakakalamang pa siya kaysa maagang nagretirong actor. It means, nawala man si John Lloyd, ok lang naman pala after all nandiyan na si Daniel na makagagawa ng mga role na naiwan niya.
May isa pang kritiko na nagsabi sa amin, batay sa mga napanood niyang mga pelikula simula noong Enero, kung siya ang tatanungin ay si Daniel ang nagbigay ng pinakamahusay na performance bilang isang lead actor. Ibig bang sabihin magiging best actor si Daniel sa mga award sa susunod na taon?
Trailer pa lang ng pelikula ang aming napapanood, at sa palagay namin maganda ang laban ni Daniel sa mga award, pero masyadong maaga pa. May natitira pang apat na buwan at may mga malalaki pang pelikulang ilalabas sa mga panahong iyan. Mahirap magsalita habang hindi pa natin napapanood ang performance ng ibang mga artista sa mga gagawin pa lamang na pelikula. May pelikulang tapos si Aga Muhlach. Mayroon ding gagawin ang isa pang mahusay na actor, si Richard Gomez. May advantage ang pagiging beterano ng dalawa.
Pero kung manalo man si Daniel, hindi kami magtataka dahil talaga namang naipakita na niya ang kanyang kahusayan bilang isang actor. Sana lang kung mananalo siya ay doon naman sa mga award na iginagalang at pinaniniwalaan.
HATAWAN
ni Ed de Leon