MAY mensahe bang may saysay ang A Day After Valentine’s?
Oo. Mayroon.
Ang mensahe ng pelikula: Nagiging lubos lang ang kaligayahan ng tao ‘pag nagpatawad na siya at nag-move on mula sa nakaraan nang wala nang muhi sa mga nagkasala sa kanya.
Isa sa dalawang pangunahing tauhan ay nagpipilit lang na magmukhang masaya at mabait sa kapwa tao. Pero sa totoo lang, kinamumuhian n’ya ang pamilya n’ya.
Kapag ipinalabas uli ang A Day After Valentine’s, na isang entry sa katatapos lang na Pista ng Pelikulang Pilipino, sa maliliit na sinehan, panoorin n’yo para madiskubre n’yo kung sino kina Bela Padilla at JC Santos ang gumaganap sa karakter na matagal nang muhi sa pamilya n’ya.
Sa bandang dulo n’yo na lang madidiskubre kung sino sa kanilang dalawa ang puno ng muhi ang katawan kaya wala siyang kaligayahang nadarama kahit anumang kabutihan ang dumarating sa buhay n’ya.
Proyekto ng Viva Films ang A Day After Valentine’s, sa direksiyon at panulat ni Jason Paul Laxamana.
(DANNY VIBAS)