HINIMOK ni Rep. Jericho Nograles ng PBA Party-list ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang kanilang kautusan sa Grab na ibalik ang ilegal na P2 singil sa mga tumatangkilik dito.
Si Nograles ay nag-umpisa ng imbestigasyon sa Kamara kaugnay sa umano’y ilegal na singil ng Grab.
Naghain ang mga driver ng Grab ng P5-milyong danyos laban kay Nograles sa kadahilanang ang kongresista ang nag-udyok sa LTFRB na isuspende ang paniningil nila ng P2 kada minutong bayad habang nakasakay ang pasahero.
Ani Nograles, ang paghahain ng P5-milyong kaso laban sa kanya ay nagpapakita na desperado ang Grab para buweltahan siya sa utos ng LTFRB na magmulta at ibalik sa mga pasahero ang P2 charge.
Hindi aniya siya nasorpresa sa ‘pagkaganid’ ng kompanyang nagkokolekta ng imoral na komis-yon sa mga driver nito.
Sa isang liham, sinabi ni Marvin de Belen, isang driver at operator ng Transport Network Vehicle Service, apat na buwan na po masuspende ang P2 per minute fare mula sa kita naming mga TNVS drivers.
“Sinubukan naming habaan ang aming oras sa kalsada para mapunuan ang kakapusan sa aming kita simula nang inireklamo ni congressman Jericho “Koko” Nograles ang time component sa pasahe na malaking tulong sa aming mga driver,” ani Belen.
(GERRY BALDO)