KUNG nasaan daw ang Maynila, naroon ang bansa.
Ito ang kasabihan ng mga antigong Manileño noong araw na maganda, malinis at mas kilala pa sa buong mundo ang Lungsod ng Maynila kaysa Filipinas.
Nguni’t ano na ang nangyari sa angking kagandahan ng Maynila ngayon na puro tambak ng basura ang makikita sa mga lansangan. Ang buong lungsod ay namamaho mula unang distrito hanggang sa ika-anim na distrito.
Ultimo ang mga tourist spot nito ay tambak ng ga-bundok na basura ang makikita ninyo partikular ang tanyag na Roxas Boulevard na kinaugalian nating pasyalan. Ang sariwang hangin na ating nilalanghap sa baybayin ng Manila Bay ay pumanaw na at napalitan ng masangsang at mabahong amoy ng mga tambak na basura.
Ano na ang nangyari, ano na ba ang naging problema natin kung bakit nagkaganito ang ating mahal na Lungsod na sumasalamin sa bansang Filipinas.
Napag-alaman natin na halos isang linggo nang hindi nahahakot ang mga basura mula nang mag-uulan sanhi ng habagat. Wala ni isang truck ng basura ang makikitang kumokolekta nito kung kaya’t naipon hanggang magkapatong-patong.
May problema ba sa DPS na responsable sa mga basurang ito. Nakagugulat kasi na bigla na lamang napabayaan ang kanilang responsibilidad. Dati-rati kasi ay dalawang beses sa loob ng isang araw kung hakutin ito ng mga truck na tila bigla na lang nakalimot.
Alam kaya ni Mayor Erap Estrada ang tanawing ito sa buong lungsod? Ang mabaho at masangsang na amoy ng mga gabundok na basura na nalalanghap ng mga Manileño at dayo?
Pangulong Mayor, subukan n’yo naman pong umikot-ikot sa buong siyudad upang kayo na mismo ang makasaksi sa lahat-lahat hinggil sa problema ng mga basura na laganap sa halos lahat ng barangay.
Mukha po yatang napapabayaan ng DPS ang kanilang responsibilidad na alam n’yo naman pong kayo rin ang masisisi at mapipintasan ng inyong constituents.
Kung mananatili pong ganito ang magiging kalakaran ng nasabing departamento ay mas mabuti pa sigurong i-abolish na lang at palitan ng mas epektibo at responsableng mga tauhan at opisyal.
Maynila po ang sumasalamin sa ating bansa, sana naman po ay huwag natin mapabayaan at hayaang mapulaan at mapintasan.
Isip-isipin po natin ang kasabihan ng mga tunay na Manileño… “Kung nasaan ang Maynila, naroon ang bansa.”
TIGILAN ANG TSISMIS
KAY MPD DIRECTOR
GEN. ROLANDO ANDUYAN
Kamakailan lang ay biglang umugong ang tsismis tungkol kay Manila Police District (MPD) Director, Gen. Rolando Anduyan na umano’y na-relieve raw sa kanyang posisyon dahil umnao sa ginawang kabulastugan ng kanyang half-brother.
Napag-alaman din natin natin ang sinasabing kapatid niya ay nahulihan ng illegal drugs sa isang probinsiya sa Mindanao.
Pati ang magiging kapalit niya ay bigla ring umugong sa katauhan ng isang Col. Danao na ikinagulat ng marami dahil hindi naman daw puwedeng isisi ang pagkakamali ng iba kay Gen. Anduyan.
Wala naman kasing kapalpakang nagagawa si Anduyan bagkus ay outstanding pa ang performance at ang ginagawa niyang pagpapalakad sa hanay ng pulisya ng MPD.
Kung sa bagay ay talaga namang mahusay ang ‘mamang heneral’ sa lahat ng aspekto kung kaya’t hindi puwedeng pulaan na lang nang basta-basta.
Si Anduyan na tinaguriang, “Ang matipunong Mandirigma ng Marawi” ay tahimik at kalmado sa lahat ng situwasyon partikular sa nasabing tsismis. Sabi nga natin ay hindi naman naaapektohan.
Sa nagpaugong naman ng tsismis na ‘yan ay better luck next time na lang dahil hindi basta-basta matitibag ang isang magaling na opisyal nang ganoon lamang.
Huwag kayong mag-alala at darating din sa buhay n’yo na hawakan ang nasabing posisyon ng magiting na mandirigma. Just wait for the right and proper time, In God’s will and in God’s time.
Go, Gen. Anduyan, you’re in the right track, more power at mabuhay kayo Sir!
YANIG
ni Bong Ramos