ANO NA? Tila napako na yata ang Department of Labor sa mga pangako nito na magbibigay ng umento sa sahod ng ating mga minimum wage earner bunsod na rin sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hanggang ngayon ay nakapako pa rin sa P512 ang arawang suweldo ng mga manggagawa, pero kung tutuusin, ayon na rin sa ilang labor group sa bansa, ang aktuwal na halaga na lamang nito ay nasa P350.
Ibig sabihin, wala na talagang mabibili ang P512 na suweldo dahil sa taas ng mga bilihin dulot na rin ng masamang epekto ng Train law. Sa madaling salita, mahinang-mahina ang buying o purchasing power ng ating piso na patuloy na nagpapahirap sa ating mga manggagawa.
Ang masakit pa nito, tila hindi natin makitaan ng pagmamalasakit ang ating pamahalaan, lalo na ang mga ahensiyang gaya Department of Trade and Industry na dapat ay nangangalaga sa kapakanan ng mga consumer.
Kaya nga, huwag na nating hintayin pa na dumating ang panahon na kumilos ang taong bayan — sabay-sabay na lumabas sa kanilang mga tahanan, mag-alsa at lumahok sa mga protesta na magbibigay-daan para mapatalsik si Pangulong Duterte.