NANGANGAMBA si Nueva Ecija governor Czarina ‘Cherry’ Umali sa ginagawang pagtutok ng kalaban nila sa politika sa ilalabas na committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability para isisi sa kanila ang bintang na anomalya sa quarry operations ng Nueva Ecija.
Ginawa ni Umali ang pahayag matapos makatanggap ng impormasyon na pinipilit ng kanilang kalaban sa politika na paspasan ang pagbalangkas ng Committee Report at ipitin sa isyu ng quarry ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at ang asawa nitong si dating governor Atty. Aurelio ‘Oyie’ Umali.
Nabuking din ng kapitolyo ng Nueva Ecija ang isang kasunduan o memorandum of agreement ni Cabanatuan City Mayor Jay Vergara sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 3, Environment Management Bureau (EMB) Region 3, Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 3 at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3.
Alinsunod sa MOA, kokontrolin ng Cabanatuan City government ang assessment sa water system at magkakaroon ng collective power ang DENR, city government at ang DPWH para pamahalaan ang dredging and desilting plan sa ikatlong distrito ng probinsiya.
Sa ipinadalang sulat kahapon (13 Agosto 2018) ni Umali kay DENR Sec. Roy Cimatu, hiniling niya na linawin ang batas patungkol sa mandato at superbisyon ng quarry operations dahil alinsunod sa batas, tanging ang provincial government lamang ang may karapatang mag-isyu ng quarry permit. “…this supposed undertaking is a manifest disregard of the jurisdiction and authority of the Provincial Government of Nueva Ecija over its territory. This we find offending, especially in the light of the issues and accusations involving quarry operations. With the special participation of the City Government of Cabanatuan, kept totally from the Provincial government, after the conclusion of the Congressional inquiry and pending release of the committee report is therefore highly suspect,” ayon sa liham ng gobernadora.
Dahil sa MOA, magkakaroon na rin aniya ng kapangyarihan si Vergara na kalaban nila sa politika para kontrolin ang quarry operation sa buong District 3 at gamitin ito para supilin sila sa pag-iisyu ng quarry permit sa mga kalipikadong haulers.
Nanawagan din si Umali kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bigyang-pansin ang ginawang pagdinig ng Komite ng Kamara na hinayaang pumapel si Rep. Rosanna “Ria” Vergara, bilang myembro ng Komite gayong hindi naman, at mabigyang pagkakataon para hiyain ang kanyang pamilya.
Malinaw aniya na pamomolitika at panggigipit lamang ang motibo ng inihaing House Resolution No. 1505 ng Nueva Ecija 3rd District representive na si Rvergara, asawa ni Cabanatuan City Mayor Jay Vergara na nakipagkasundo sa mga opisyal ng DENR at DPWH.
Iginiit ni Umali na kalaban nila sa politika ang mga Vergara kaya’t malinaw na ‘political revenge’ ang ginagawa nilang aksiyon at nakalulungkot aniya na ginagamit ang Kamara para balikan at gipitin ang mga kalaban nila sa politika.
“They never stopped in politicking. They never stopped nitpicking on me and Governor Oyie (Umali). I believe that the truth will come out and the people will learn that we are not the ones with the dirty linens to hang,” giit ng gobernadora.
Sa privilege speech ni Vergara sa Kamara, sinisi niya ang mga Umali kung bakit mas mababa ang koleksiyon ng Nueva Ecija sa quarry, kompara sa nakokolektang buwis sa quarry ng probinsiya ng Pampanga.
“Ayaw na po sana nating patulan ang mababaw na diskurso ni Congw. Vergara, pero sa simpleng argumento po, hindi talaga kayang makipagkompitensya ng Nueva Ecija sa Pampanga dahil lahar ang kina-quarry sa Pampanga na higit na may halaga gawa ng angkin nitong kalidad partikular ang nilalamang silica na ginagamit ng maraming industriya, at ang tinatawag na washed sand na may iba’t ibang gamit.
Samantala sa Nueva Ecija ay ordinaryong bato at buhangin lamang. Bukod dito buong Filipinas po ang umaangkat ng quarry materials sa Pampanga, hindi po katulad dito sa atin sa Nueva Ecija na ang commercial disposition ay puro sa lokal na pangangailangan lamang at hindi lumalabas ng lalawigan,” paliwanag ni Umali.
“Sabihin pa ang maling basehan ni Gng. Vergara na commercial price sa computation ang dapat na kinokolektang buwis ng probinsiya sa bawat metro-kubiko ng buhangin at bato, taliwas sa sinasabi ng BLGF na fair market value “as extracted in site” o presyo ng kung ano ang nakuha o bilang raw materials.
“Ang commercial price po kasi ay higit na mas mataas dahil may dagdag na itong puhunan gaya ng halaga ng pagsolandra o pagproseso, halaga ng pagbiyahe, bayad sa mga tauhan at iba pa puwera pa ang tubo, samantala, ang raw materials ay walang ganito,” dagdag ni Umali.
(HATAW News Team)