SA exclusive interview ni Korina Sanchez kay CJ Ramos sa programa nitong Rated K sa ABS-CBN noong Sunday, inamin ng dating child actor na na-depress siya nang husto dahil sa napunta sa wala ang naipon niyang pera noong nag-aartista pa siya.
“Pagdating ko ng high school, medyo tumatamlay na po ‘yung karera ko noon. Alanganin ‘yung edad ko bata, alanganing bata, alanganing matanda. Hindi na ako pinapirma ng kontrata, wala akong manager kaya napabayaan po (ang kanyang career),” kuwento ni CJ.
Nakapag-ipon ba siya mula sa mga kinita niya sa pag-aartista?
“May mga naipundar naman po ako pero unti-unti rin pong nawala,” sagot ni CJ.
May naitabi siya noong halos P1-M ipon na balak sana niyang gamitin sa pag-aaral, pero naipautang nila ito at hindi naman binayaran.
“Tinakbuhan po kami ng isang taong nangutang sa amin. Simula po noon, as in zero. Parang pinagtakluban po kami ng langit at lupa. Ang inuulam namin sa loob ng halos dalawang taon: isang sardinas, itlog, at kanin. Naghahati po kami roon ng pamilya.
“Roon po siguro ako na-depress, kasi first time ko po nakaramdam ng hirap na ganoon, eh. Dahil noong bata po ako, nagtatrabaho ako. Noong bata pa ako, hindi ganoon ang buhay ko.”
Noong na-depress, nabarkada si CJ at doon na nagsimulang gumamit siya ng drugs. At inamin niyang shabu ang ginagamit niya.
“Siyempre nalungkot kung bakit nangyayari ‘yung ganito. Roon na po nag-umpisa ‘yung paggamit ko ng ilegal na droga.”
Dahil sa pagiging lulong sa droga, napabayaan na niya ang kanyang sarili.
“’Yung droga ang naging takbuhan ko kapag gusto kong makalimot sa mga problema ko.”
Naisip minsan ni CJ wala nang patutunguhan ang kanyang pagda-drugs kaya sinubukan niyang tumigil. Sinubukan pa niya noong maghanapbuhay. Nag-aral siya sa TESDA at nag-apply papuntang abroad ngunit hindi natuloy. Dahil dito ay na-disappoint siya nang husto at muling gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Napakahirap makulong. Sinasabi ko na lang sa sarili ko na pagsubok lang ito,” ang huling sabi ni CJ sa interview sa kanya ni Korina.
MA at PA
ni Rommel Placente