SA masusing pagsasaliksik sa kasaysayan ng bansa, lumitaw na ang 1 Agosto ang totoong Araw ng Kasarinlan na naganap sa Bacoor, Cavite noong 1898.
Ang naturang bagong deklarasyon ay niratipikahan ng 190 municipal presidents mula sa 16 probinsiya na kontrolado ng rebolusyunaryong hukbo ng nasabing petsa na nagbabasura sa proklamasyon ng 12 Hunyo 1898 ni isinulat ni Ambrosio R. Bautista.
Pinatutunayan sa research, na walang pirma ang noo’y Unang Pangulo, Heneral Emilio Aguinaldo, sa proklamasyon ng 12 Hunyo bilang kasarinlan ng bansa bagkus itinuloy ang seremonya sa pagtataas ng watawat sa Kawit, Cavite, sa kabila na may mga digmaan pang nagaganap sa pagitan ng mga Espanyol.
Mismong si Aguinaldo ang nag-utos kay Apolinario Mabini na gawin ang bagong Acta de la Proclamation de la Independencia del Pueblo na nagbabasura sa proklamasyon ng 12 Hunyo.
Sinabi ni Bacoor city mayor Lani Mercado-Revilla sa publiko na hindi nila layuning litohin ang mga tao kundi kilalanin ang 1 Agosto bilang kasarinlan ng bansa at maidagdag sa kasaysayan ng Filipinas na aniya’y totoo at mahalagang nangyari.
Inilunsad ng lokal na pamahalaan ang aklat na “Proclamation, Philippine Independence: The Truth About August 1, 1898 Bacoor Assembly” at ang documentary film, Agosto Uno: Kasaysayang Nakalimutan.”
Umabot sa 1,000 libro nito ang ipinamahagi nang libre sa mga estudyante sa pampublikong paaralan ng lungsod at umarangkada na rin ang presentasyon ng docu film sa mga pribadong eskuwelahan upang ikalat ang nasabing nakalimutang kasaysayan.
Pinag-aaralan na ang paglikha ng Tagalog version ng aklat upang lalong maintindihan ng publiko ang nilalaman nito.
Noong 2017, sinimulan ng Bacoor government ang selebrasyon ng Agosto 1 bilang araw ng kasarinlan sa bansa.
“This piece of history has been set aside and forgotten, which is unfortunate as it plays a significant part in the birth of our nation. We hope to shed light on this legacy, and honor it not just as Bacooreños, but more importantly, as Filipinos,” ayon sa alkalde.
(JAJA GARCIA)