ANO na naman daw ang nangyayari sa House of Representatives at Senate na mistulang karnibal daw dahil sa mga personalidad ng mga bagong upong liderato sa kasalukuyan.
Binigyan pansin ng mga kritiko ang bagong upong Speaker of the House na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang bagong Senate President Sen. Tito Sotto.
Parang carnival show daw ang magiging tema ng coming sessions sa lower at upper house dahil inihahambing nila si PGMA sa isang magaling na magikera at si Tito Sotto naman na isang payaso’t komedyante.
Mahusay daw kasing maghokus-pokus si PGMA na lahat ng kasong ibinato sa kanya ay bigla na lang naglahong parang bula samantala si Sotto naman daw ay mahusay lang magpatawa base sa kanyang personal background.
Parang may hawig din daw si PGMA sa isang game show host sa telebisyon… Deal or No Deal at ang The Missing Link.
Sa deal or no deal ay bigla na lamang bumalik sa ating diwa ang ZTE deal na bilyong piso ang pumasok sa mga bulsa ng iilan kasama rito ang The Missing Link na si Jose Pidal … anyare?
Siyang-siya daw si PGMA sa game show na The Missing Link, partikular sa karakter ni GARCILLANO na mas tanyag sa HELLO GARCI. Missing pa rin ang dalawa hanggang sa kasalukuyan. Pidal at si Garci ang ‘the missing link.’
Kaya’t bilib sila sa galing at husay ni PGMA sa mahika partikular sa hokus-pokus dahil sa ginawa niya sa kanyang katunggaling si FPJ na bigla na lang nawala ang mga boto nang harapan. Masarap sanang matutunan ang ganitonbg klaseng mahika, one of a kind, walang kapares. He he he…
Sa Senado naman ay parang nakaaasiwa na isang komedyante ang itinalagang senate president na saksakan ng daming maseselang isyu ang pag-uusapan.
Paano kaya ang magiging posisyon ni Tito Sen pag-dating sa mga deliberation, mga privilege speech, inquiries at marami pang iba na hindi basta na lang maiintindihan ng isang layman.
Para raw kasing hindi tugma at angkop ang posisyong itinoka kay Sotto na dapat lang ibigay sa isang abogado o public administrator. Marami sa kanyang mga colleague ang potensiyal at may kredibilidad na higit sa kanya.
Ang pinakadapat daw hangaan dito ang direktor ng sitwasyong ito na ngayon lang sumubok na mag-direk ng isang comedy film dahil puro raw action film ang idinidirek ng mama.
Bukod sa matinding aksiyon, siyento porsiyentong rated SPG dahil sa dami ng maseselang tagpo.Napaka-raming patayan, libo-libo ang natigok, itinumba nang ganoon.
Talagang action man itong si direk, patayan dito patayan doon, kung saan-saan bahagi ng Filipinas ginawa ang shooting, kompleto mga character, all star cast, talagang ginastusan. Wow na wow.
Walang dapat ibang taong bigyan ng kredito dito kundi si direk na mas lalong kilala at pinatanyag sa kanyang pangalang Dugong.
Sana ay maging matagumpay ka sa iyong unang comedy film na ididirek bigla nga palang nagdagdag ng artista si direk para lalong maging makatotohanan ang pelikula, special participation daw sina Tito Pimentel at Uncle Alvarez.
Arestado sa violation
ng city ordinance, isang buwan nang nakadetine sa MPD
Magandang umaga po Mr. Yanig,
Nais lang po naming iparating sa inyo at sa mga kinauukulan ang aming mga hinanaing hingil sa aming mga anak at kamag-anak na naaresto ng mga operatiba ng MPD.
May isang buwan na po o apat na linggo na pong nakakulong ang mga mahal namin sa buhay sa presinto at mga police detachment ng MPD.
Hindi naman po arbitrary detention ang ginagawa ng mga pulis dahil pagdating mismo sa kanilang himpilan ay isinailalaim sila medical at ginawan ng dokumento na nakasaad ang kanilang kaso o violation.
Ang akin pong anak ay nahuli sa Batangas St., Tondo, Manila habang nagsusugal ng three coins. Kinasuhan po siya ng 1602 o illegal gambling na isa lang daw pong city ordinance at puwedeng piyansahan kahit anong oras sa City Hall.
Nagpabalik-balik na po kami sa Manila City Hall at ilang beses na rin pong kinausap ang piskal upang piyansahan ang aking anak ngunit wala pa raw po silang natatanggap na pangalan ng anak ko, hindi pa raw ito ipinadadala ng presinto.
Pagod na po kasi kami, sampu ng aking mga kasamahan na ganon din ang kasong kinasasangkutan na pawang mga city ordinance mula sa half-naked, drinking in public place at illegal gambling. Para na rin pong criminal offense ang kaso nila dahil mahigit isang buwan na silang nakadetine sa selda ng presinto at police detachment.
Ang buong akala po namin ay warning po ang ibibigay at pauuwiin rin ang mga 1st offender o kaya ay community service, ngunit mali pala ang aming pagkakaintindi.
Sana po ay maiparating namin ang aming mga hinanaing sa kinauukulan at para naman maliwanagan kami kung paano talaga ang proseso at kung ano ang dapat naming gawin. Salamat po.
Wow naman. Isang buwan nakadetine sa violation ng city ordinance. Maawa naman kayo sa mga taong nakikiusap sa inyo pagod na rin sila kapaparoo’t parito sa city hall, hindi mga robot ang mga iyan at higit sa lahat ay nasasayang ang kanilang oras at pera.
Ideklara na ninyo kung ano ang estado ng kaso nila at huwag nang paikutin pa. Sabihin n’yo na kung ano pa ang kanilang hinihintay at kung ano rin ang hinihintay ninyo.
NCRPO director Gen. Eleazar, at MPD Director Gen. Anduyan, pakitingnan naman po ang hinaing ng ating mga kababayan. Salamat po.
Pansamantala po nating hindi babanggitin ang mga presinto, police detachment at mga pangalan ng mga pulis para sa kanilang reputasyon at habang wala pang kaliwanagan ang kanilang idinaraing.
YANIG
ni Bong Ramos