OPO, mga katoto, tama ang nababasa ninyo. May 264,000 bakanteng trabaho sa gobyerno na may badyet na pero hindi pa rin napupunuan hanggang ngayon. Hindi ito Job Order o kontraktuwal na trabaho, kundi plantilla o permanenteng trabaho.
Maging si Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management (DBM) ay nagtataka kung bakit singkupad ng pagong ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagpuno ng mga bakanteng trabaho. Malamang, ani Diokno, tanggalin na nila ang mga permanenteng posisyon na ito kung hindi pa rin mapupunuan ng mga ahensiya hanggang sa Setyembre.
Ang hindi natin maintindihan, hinihingi ng mga ahensiya ang mga plantilla position na ito tuwing inihahapag nila sa Kongreso ang badyet nila taon-taon. Ibig sabihin, kailangan nila ang nasabing mga posisyon para magampanan ang tungkulin nila. E, bakit naman ayaw nilang tumanggap ng mga aplikante sa trabaho gayong may badyet na ito galing sa Kongreso?
Napag-alaman natin na sa 264,000 bakanteng trabaho, 125,000 dito ay laan para sa mga teacher, 90,000 sa civil servants o empleyado sa gobyerno, 34,000 sa military at uniformed personnel, at 14,000 sa medical personnel.
Kahit may mga posisyong ‘di pa napunuan, sinabi ni Diokno na maglalaan pa rin ang Kongreso ng dagdag na pondo sa susunod na taon para ma-empleyo ang marami nating kababayan sa gobyerno. Nakalaan ang mga bagong bukas na posisyon sa 10,000 guro; 10,000 pulis; 3,000 bombero; at 2,000 jail officers.
Bukod sa mga bagong trabaho, maglalaan din ang Kongreso ng dagdag na pondo para sa dagdag na suweldo para sa mga kawani ng gobyerno. Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr. (1st District, Camarines Sur), may P121.6-bilyong pondo na kasama sa 2019 national budget para sa dagdag na suweldo ng mga sibilyan at unipormadong empleyado ng gobyerno.
Sa nasabing pondo, sinabi ni Andaya na P51.7 bilyon ay laan sa ika-apat at huling bahagi ng Salary Standardization Law IV para sa mga sibilyang kawani ng gobyerno. Ang P70 bilyon naman ay mapupunta sa ikalawang instalment ng batas na nagtataas ng suweldo ng mga sundalo, pulis, bombero, jail officers at coast guards.
Hindi biro ang paghahanap ng trabaho ngayon. Para sa mga bagong gradweyt sa kolehiyo, araw-araw na parusa ang pag-aaplay sa trabaho. Wala na ngang perang pangkain, gagastos pa sa katakot-takot na dokumentong hinihingi sa mga aplikante. Isama pa ang gastos sa pasahe patungo sa inaaplayang trabaho.
At bukod sa mga bagong gradweyt, milyon pa ring Filipino ang naghahanap ng permanenteng trabaho. Batay sa mga datos ng Philippine Statistics Authority, tinatayang 2.36 milyong Filipino ang walang trabaho ngayon. Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang mga Pinoy na may trabaho nga pero kontraktuwal lamang at pana-panahon ang tiyak na kita.
Kaya nga hindi nakapagtataka na napipilitan na lamang magtrabaho sa ibang bansa ang ilan nating kababayan masiguro lamang ang pagkain ng kanilang pamilya. Normal na sa atin ang makarinig ng kuwento ng mga titser na napilitang maging yaya sa ibang bansa. O kuwento ng mga nars na nagiging caregiver sa ibang lupain.
Sa laki ng hukbo ng mga naghahanap ng trabaho, imposible na hindi makahanap ang mga ahensiya ng gobyerno ng mga empleyado na tutugma sa kuwalipikasyon na kailangan nila. Buksan lamang nila ang pinto ng kanilang ahensiya at bigyan ng pagkakataon ang mga aplikante, tiyak na makahahanap sila ng karapat-dapat na emplyeado sa mga bakanteng puwesto.
Sa ganitong paraan, mabubura ang agam-agam na sadyang ‘di pinupunuan ang mga bakanteng puwesto para maibulsa ng iilan ang badyet na laan para rito.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III