NASAGIP ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police (AKG-PNP) ang isang 19-anyos estudyante ng Collegio de San Juan de Letran (CSJL) makaraang kidnapin ng kanyang mga ka-frat at ipinatutubos ng P30 milyon, habang arestado ang apat suspek at tinutugis ng pulisya ang anim pang mga suspek, sa Tondo, Maynila.
Nailigtas ng mga awtoridad ang biktimang kinilalang si Denzhel Gomez, 19, estudyante ng Collegio de San Juan de Letran (CSJL), sa Intramuros, Maynila, at residente sa Sampaloc, Maynila
Samantala, arestado at sasampahan ng kasong kidnapping for ransom ang mga suspek na sina Jhulius Atabay (CSJL), Ferdinand Dela Vega (CSJL), Ralph Emmanuel Camaya (CSJL), at Justine Mahipus (Saint Benilde), pawang college students ng iba’t ibang unibersidad.
Tinutugis ng mga awtoridad ang kanilang mga kasamahan na sina Eriek Candava (CSJL), Gabriel Rabi (FEU), Billy Rocillo (CSJL), Arvi Velasquez (Parañaque Flying School), Miguel Austria (CSJL), at Kim Pascua (CSJL), pawang kasamahan umano sa ‘di tinukoy na fraternity ng biktima.
Base sa ulat, Dakong 9:20 pm noong 1 Agosto 2018, dinukot umano ng mga armadong suspek ang biktima sa Lawton, Ermita, Maynila.
Naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang tahanan mula sa paaralan nang sabayan ni Atabay.
Kasunod nito, habang nag-aabang ng masasakyang bus ay bigla silang hinintuan ng isang puting Toyota Pregio, na ‘di naplakahan, may sakay na mga armadong lalaki na ‘di bababa sa anim, at puwersahan silang isinakay.
Tinalian umano ng mga suspek ang kanyang mga kamay at binalutan ng packaging tape ang kanyang bibig, ngunit hindi ginalaw si Atabay, na kalaunan ay pinakawalan ng mga suspek.
Ayon sa ama ng biktima, nagtaka sila nang hindi pa nakauuwi ang anak kaya’t tinangkang kontakin ang cellphone ngunit hindi makontak.
Kalaunan umano ay nakatanggap ang ama ng tawag mula kay Atabay, na nagbigay ng impormasyon hinggil sa kidnapping at sinabing nanghihingi ng P30 milyong ransom ang mga suspek.
Nagtaka umano ang ama ng biktima sa paiba-ibang pahayag ni Atabay, na sinabing nakatakas siya sa mga suspek at tinawagan siya saka sinabing kailangan ng ransom para palayain si Gomez.
Nagboluntaryo umano si Atabay na siya ang maghahatid ng ransom sa mga kidnapper, sanhi upang humingi ng tulong ang ama sa mga pulis.
Natukoy ng mga pulis na mastermind sa kidnapping si Atabay, kaya’t tiniktikan nila ang mga kilos hanggang masundan sa bahay sa 285 Nava Street, Balut, Tondo, na pinagtataguan kay Gomez.
Agad sinalakay ng mga awtoridad ang naturang bahay kaya nasagip ang biktima habang nadakip ang apat suspek ngunit nakalalaya pa ang anim nilang kasabwat.
Ikinatuwiran ng mga suspek na ang naturang insidente ay bahagi lamang umano ng initiation rites ng kanilang frat group, ngunit hindi naniniwala ang mga awtoridad dahil tila planadong-planado anila ang krimen at humihingi ng ransom ang mga suspek.
(BRIAN GEM BILASANO)