INARESTO ng operatiba ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) sa Hong Kong ang Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada, ang dating chief executive officer ng Okada Manila, noong nakaraang linggo.
Batay sa ulat ng Chinese tabloid na Headline Daily, inaresto si Okada kasama ang isang Li Jian bunsod ng pakikipagsabwatan sa umano’y pandarambong sa Okada Holdings, isang Hong Kong-registered company, na nagkakahalaga ng 135 million yuan o katumbas ng US$19.7M.
Si Li Jian, ang umano’y director ng New Games Corp., ay sinasabing tumanggap ng one million yuan mula kay Okada, ayon sa report.
Ang ICAC ang nag-iimbestiga sa corruption cases sa Hong Kong na nagagawa ng public officials.
Ang krimen ng private individuals na sangkot ang public official ay sakop din ng ICAC.
Ang pag-aresto sa Japanese gaming mogul ay nalathala sa Headline Daily nitong 1 Agosto 2018 na naroroon ang larawan ni Okada na nasa loob ng isang sasakyan kasama ang dalawang babaeng escort na elemento ng ICAC.
Ang pag-aresto ay naiulat din ng online Chinese publications sa Hong Kong.
Si Okada, dating CEO ng Okada Manila na pag-aari ng Tiger Resort Leisure & Entertainment Inc., (TRLEI), ay nahaharap sa iba’t ibang kaso ng estafa sa Filipinas bunsod ng umano’y paglustay nang mahigit US$10 milyon mula sa pondo ng naturang kompanya.
Ang reklamo laban kay Okada na inihain ng majority shareholders ng TRLEI ay nakabinbin pa sa Department of Justice.
Una nang umapela ang TRLEI sa DOJ na ibasura ang naunang resolution na inisyu ng Parañaque City Prosecutor’s Office na nag-leak sa social media makaraang i-post ito ng Korean girlfriend ni Okada na si Chloe Kim noong 18 Mayo 2018.
Ayon sa TRLEI, ang leakage ay nagtaglay ng “wrongful disposition and resolution” sa mga kaso. Nagkaroon umano ng paglabag sa karapatan ng TRLEI at ng due process ang pag-leak ng resolutions.
“The leakage not only violated pertinent laws on public officers but also seriously damaged the credibility, independence, and integrity of the assailed resolutions as well as of the Office of the City Prosecutor,” ayon sa TRLEI.
Dahil sa kontrobersiyal na leaked resolution, nagbunsod ito kay Justice Secretary Menardo Guevarra na ipag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang sirkumstansiya na umuugnay sa leakage ng dalawang resolutions na inisyu ni City Prosecutor Amerhassan Paudac.
“Premature disclosure of orders and resolutions prior to official release is not allowed unless there are compelling reasons that would sufficiently justify the same,” ayon kay Guevarra.
Sa record, ang unang estafa case na isinampa ng TRLEI ay illegal disbursement ni Okada sa company funds na nagkakahalaga ng US$3.1 milyon na itinuring na consultancy fees and salaries kahit isang buwan lamang siyang nanungkulan bilang CEO sa pamamagitan ng kanyang kasabwat na si Takahiro Usui, ang dating TRLEI president.
Paglilinaw ng TRLEI, ang nasabing disbursement ay hindi awtorisado ng board of directors ng kompanya.
Ang ikalawang estafa case ay sangkot ang US$7-milyon na supply contract sa light emitting diode (LED) fixtures sa Okada Manila na ang naging supplier ay kompanya mismo ni Okada na Aruze Philippines Manufacturing Inc. (APMI), kasabwat ang close associate ng Japanese tycoon na si Kengo Takeda, dating chief technology officer ng TRLEI.
HATAW News Team