READ: Metro Manila isinailalim sa heightened alert status
LAMITAN CITY, Basilan – Arestado nitong Miyerkoles ang isang preacher o ustadz na hinihinalang responsable sa pagsabog sa isang van sa Basilan na ikinamatay ng 10 katao at marami ang sugatan noong Martes.
Ang suspek na si Indalin Jainul, 58, ay inaresto sa illegal possession of explosive makaraan matagpuan sa kanya ang isang fragmentation grenade.
Pagkaraan ay isinangkot siya sa pagsabog ng isang van sa isang checkpoint noong Martes.
Karagdagang mga kasong multiple murder, at multiple serious physical injuries ang muling ihahain kay Jainul.
Samantala, itinanggi ng mga kaanak ni Jainul ang mga akusasyon laban sa suspek.
Sinabi ng kanyang pinsan na si Jahra Sattra, nawala noong Martes si Jainul, ang araw nang maganap ang pagsabog, at nabatid nitong Miyerkoles na siya ay nakapiit sa Lamitan City Police Station.
Bilang ustadz, si Jainul ay nagtuturo rin sa Madrasah o Islamic school sa kanilang barangay.