TINULDUKAN na ng Office of the Ombudsman ang political career ni ex-Nueva Ecija governor Aurelio “Oyie” Matias Umali dahil sa illegal na paggamit ng kanyang multi-milyong ‘pork barrel’ o Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ang nasibak na bise alkalde naman ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali ay sinibak at hinatulan ng ‘perpetual disqualification’ to hold public office dahil sa anomalya sa illegal repacking ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginamit sa pangangampanya noong 2016.
Ang kaso ng nakatatandang Umali ay nag-ugat sa kasong isinampa sa Ombudsman noon pang 2008.
Ito’y kaugnay sa pakikipagsabwatan umano ni Umali noong 2005 sa mga bogus na foundation at organisasyon para magpalabas ng P15 milyong pondo sa kanyang PDAF noong siya ay nakaupo pang congressman ng 3rd District ng Nueva Ecija.
Nabuking ng Ombudsman na nakipagkutsabaan ang dating gobernador sa Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) na natuklasang isa sa ‘bogus’ na foundation na ginamit ng reyna ng P10-bilyong PDAF scandal na si Janet Lim Napoles.
Sa isang memorandum of agreement na ipinasa sa Department of Agriculture (DA), ginamit ni Umali ang MAMFI bilang partner para sa pamumudmod ng P12 milyong halaga ng liquid fertilizer, habang benepisaryo naman sa pagbili ng water pump na nagkakahalaga ng mahigit P3 milyon ang grupong Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi, Inc. (SMPGI).
Bumili si Umali at ang MAMFI ng 7,920 liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 kada bote na mayroong suma total na P12 milyon.
Pero nabuking na ang totoong presyo sa merkado ng mga fertilizer ay naglalaro lamang sa halagang P10 hanggang P150 kada bote.
Wala rin umanong totoong biniling pataba at ang ginamit na moro-morong purchasing ay Nutrigrowth Philippines na kompanya rin ni Janet Napoles.
Sinisisi rin si Umali sa maanomalyang proyekto ng co-respondent na si Renato Manantan, dating executive regional director ng DA Region 3 at iginiit na ministerial lamang ang kanyang pagpirma sa MOA at si Umali umano ang may pakana nito.
Lalo pang ikinadesmaya ng Ombudsman na dapat sana ay libreng ipinamudmod sa mga magsasaka ang pataba, natuklasang ibinenta pa ito sa mga magsasaka ng Gabaldon at Gen. Natividad sa halagang P50 kada bote.
Huli na rin nang malaman na ang liquid fertilizer ay hindi rin puwe-deng gamitin ng mga magsasaka sa palayan dahil natuklsang pataba ito sa palaisdaan.
Ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration ni Umali sa kasong malversation of public funds at violation of Sec. 3 ng RA 309 dahil hindi umano nakapaglabas ang dating gobernador ng panibagong ebidensiya.
“Also none of them has shown that this Office committed errors of facts or laws or serious irregularities prejudicial to their interest,” pahayag sa denial ng MR na inilabas ng Ombudsman noong 26 Hulyo 2018.
Dahil dito, pinagtibay ng Ombudsman ang hatol kay Umali at sa ibang pang respondents na sangkot sa PDAF scam.
“Respondents Aurelio M. Umali and Renato P. Manantan are hereby adjudged guilty of Grave Misconduct, Gross Negligence of Duty and Conduct of Pejudicial to the Best Interest of the Service for which they are meted the penalty of Dismissal from the Service with Forfeiture of all their Retirement Benefits and perpetual disqualification to re-enter government service,” saad sa inilabas na desisyon ng Ombudsman.
HATAW News Team