PATAY ang barangay chairman makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng barangay hall sa Tondo, Maynila, nitong Miyerkoles ng gabi.
Hindi umabot nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Joseph Moran, nasa hustong edad, at bagong halal na kapitan ng Barangay 100, Zone 8, sa Tondo, Maynila.
Base sa initial na ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril pasado 7:00 ng gabi na agad ikinamatay ng biktima bunsod ng mga tama ng bala sa katawan.
Ayon sa imbestigasyon ng MPD Station 1, nakita sa CCTV ng barangay ang pamamaril ng isang lalaking maskarado at may talukbong na bimpo sa ulo at pagkaraan ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklong minamaneho ng kanyang kasama.
Nahagip din sa CCTV nang sinubukang tumakbo papalayo ng biktima habang binabaril ng suspek.
Kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at posibleng motibo sa krimen.
Matatandaan, noong nakaraang taon ay pinaslang din ang dating kapitan sa naturang barangay. Samantala, inaalam pa kung sino ang hahalili bilang bagong kapitan ng Barangay100 ngunit posibleng ang barangay kagawad na kaanak ng napaslang na dating barangay chairman na si Kapitan Carpio. (BRIAN GEM BILASANO)