READ: 11 katao patay, 7 sugatan: Van driver ‘foreign’ suicide bomber
UMABOT sa 11 katao ang patay makaraan sumabog ang van na may bomba sa military checkpoint sa Lamitan City, Basilan, nitong Martes.
Ayon sa mga awtoridad, pinigil ng mga sundalo ang van sa checkpoint malapit sa Magwakit Detachment sa Brgy. Colonia sa Lamitan City, ngunit biglang sumabog nang kakausapin ang driver ng sasakyan.
Ang mga namatay ay isang sundalo, limang militiamen, at apat sibilyan, kabilang ang isang ginang at kaniyang anak. Habang dinala sa pagamutan ang pitong nasugatan.
Ayon kay Basilan Governor Jim Saliman, nakatanggap siya ng impormasyon na ASG ang nasa likod ng pagsabog ngunit hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye.
Sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Colonel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng militar, batay sa impormasyon mula kay Western Mindanao commander, Lieutenant General Arnel dela Vega, ang Abu Sayyaf sub-commander na si Furiji Indama ang nasa likod ng insidente.
“They are losing ground kaya ito ang resort na ginagawa nila ngayon,” sabi ni Arevalo.
“Local police and AFP personnel are not stopping their investigation and they are pursuing any leads. We call on our people to be vigilant. We encourage them to notify the PNP and AFP in their locality if they are observation of suspicious looking individuals in their vicinity,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Lieutenant Colonel Jonas Templo, pinuno ng 74th Infantry Battalion, na posibleng kaso ng suicide bombing ang nangyari dahil kasama sa namatay ang driver ng van.
Gayonman, hinihinala ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman, posibleng sadyang pinasabog ng driver ang van dahil madadakip na siya.
“Hindi pa masabi kung suicide bomber kasi nasita na siya [checkpoint],” anang gobernador.
Sinabi ni Dela Vega, patuloy ang imbestigasyon para matukoy at madakip ang mga nasa likod ng pagsabog.