PURDOY.
Una kong narinig ang salitang iyan taong 1975 nang manirahan muli kami sa Davao City galing sa Maynila. “Pasensya ka na, Dong, purdoy lang tayo,” unang bati ng Lolo Paeng ko matapos akong makapagmano.
Ilang buwan ang nakalipas bago ko tuluyang naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “purdoy.” Iyon pala ang tawag sa pamilyang kumakain ng giniling na mais sa halip na kanin galing sa bigas. Iyong pamilyang madalas na ang ulam ay ginamos o bagoong na isda. Sa simpleng salita, pamilyang hikahos sa buhay.
Dahil galing sa pamilyang purdoy, natutuwa tayong mabalitaan na nakatakdang maglaan ng P150-bilyong pondo ang gobyerno sa susunod na taon para maibsan ang paghihirap ng mga Pinoy na madalas sumala sa pagkain. Ayon kay bagong House majority leader, Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, kabilang ang P150-bilyong pondo sa P3.757-trilyong badyet na hinihiling ng Malakanyang para sa taong 2019.
Nakalulula ang badyet na hinihingi ng Palasyo sa Kongreso. Alam natin na sa buwis ng mamamayan din manggagaling ang pondo sa badyet na ito. Pero sa hirap ng buhay ngayon, parang ulan sa tag-init nating tatanggapin anumang ayuda ang maibibigay para may pandagdag sa gastos araw-araw ang pamilyang mahihirap.
Ayon kay Andaya, mapupunta ang P150-bilyong pondo sa apat na “cash transfer programs” ng gobyernong Duterte.
Kabilang dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na popondohan ng P88.1 bilyon para mabigyan ng buwanang ayuda ang “indigent families.” Matatanggap ng pamilya ang ayuda kung hahayaan nilang pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak at dadalhin sila sa mga health center para sa regular na check-up.
May P37.6-bilyong pondo naman ang nakalaan para sa Unconditional Cash Transfer. Ito ‘yung buwanang ayuda na itataas sa P300 sa susunod na taon galing sa dating P200 para habulin ang pagtaas ng mga presyo dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN).
May P23.2-bilyong pondo rin para sa Social Pensions for Indigent Senior Citizens, isang programa na nagbibigay ng P6,000 ayuda taon-taon sa mga indigent na may edad 60 pataas at walang natatanggap na pensiyon mula sa Government Service Insurance System (GSIS) o Social Security System (SSS).
Ang natitirang pondo ay mapupunta sa Pantawid Pasada Program for PUV drivers na naglaan ng P3.9 bilyon para tulungang ang mga drayber na makaagapay sa pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Nararapat lamang na ipagtanggol ni Andaya sa Kongreso ang paglalaan ng bilyong pisong ayuda para sa mga pamilyang mahihirap. Sabi nga niya, kung kaya nating pagaangin ang buhay ng mayayaman sa pamamagitan ng mga fiscal incentives at tax holidays, bakit tayo magtitipid para maiahon naman sa hirap ang mga naghihikahos?
Sa kabila ng mabuting intensiyon ng nasabing mga programa, may agam-agam naman tayo sa pagpapatupad nito. Malaking pondo ito at tiyak na marami ring buwaya ang maglalaway dito. Baka imbes mapunta sa mahihirap, pagpiyestahan lamang ng mga magnanakaw ang pondo.
Para maiwasan ang katiwalian, mungkahi natin na isapubliko ang listahan ng lahat ng benepisaryo ng mga nasabing programa. Puwede itong ilathala sa internet para maikalat sa social media. Puwede rin ilagay ang listahan sa mga billboard sa barangay para masuri ng mamamayan kung kasali ba sila o hindi sa programa.
Matagal nang patay ang Lolo Paeng ko. Pero kung nabubuhay pa iyon, malamang na isa lamang ang payo niya para masiguro ang tagumpay ng mga programa para sa mga purdoy na tulad niya. “Pagtarong, Dong!”
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III